EDITORYAL - Labas POGOs pasok e-sabong
Inihayag ni President Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuwag sa Philippines Offshore Gaming Operators (POGOs) sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 22, 2024. Sabi ni Marcos kailangan nang itigil ang panggugulo ng POGO sa lipunan at paglapastangan sa bansa. Inatasan niya ang Philippine Amusement and Gaming Corporations (PAGCOR) na bago matapos ang 2024 ay nawalis na ang POGOs.
Pero wala pang isang buwan mula nang ihayag ng Presidente ang pagbuwag sa POGOs, ipino-proposed na ng ilang mambabatas na gawing legal ang e-sabong upang mabawi ang bilyong revenue na mawawala sa pagbuwag sa POGOs. Ayon kay House Deputy Speaker Jay-jay Suarez, pag-aralan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ma-regulate ang online cockfighting o e-sabong para mabawi ang P7 bilyon na mawawala sa POGOs. Ginawa ni Suarez ang proposal sa deliberations ng 2025 budget ng PCSO.
Ganito rin ang proposal ni OFW Rep. Marissa Magsino sa Pagcor. Sabi ni Magsino kay Pagcor Chairman Alejandro Tengco pag-aralan kung posibleng ma-legalized ang ipinagbabawal na e-sabong para makapag-generate ng revenue na naapektuhan sa pagsasara ng POGOs. Kung nagpapatuloy ang e-sabong sa kung saan-saang lugar, pabor siyang gawin na itong legal.
Sabi ng Pagcor, susunod lamang sila kung mayroong batas na nag-uutos na ibalik ito. Kung wala, mananatili sila na nakagapos ang kamay ukol dito.
Ipinag-utos ni President Marcos Jr. ang pagbabawal sa e-sabong noong Enero 2023. Iniisyui niya ang Executive Order No. 9 na nag-uutos na arestuhin ang nag-ooperate ng e-sabong. Nakasaad din sa EO ang suspensyon sa live streaming o broadcasting ng live cockfights sa labas ng cockfighting arenas na pinagdarausan ng sabong. Bawal din ang online/remote, o off-cockpit wagering/betting sa live cockfighting matches. Ang kautusan ay pagpapalakas sa dati nang utos ni dating President Duterte na pagsuspende sa e-sabong noong Mayo 2022.
Malinaw na bawal ang e-sabong at isang malaking kainsultuhan na buhayin ito gaya ng ipinapanukala ng mga mambabatas. Malaking kamalian na buhayin para makakalap ng revenue ang sugal na naghahatid ng kasamaan. Sinuspende ang e-sabong dahil sa masamang dulot sa buhay ng mga Pilipino kung saan marami ang gumagawa nang masama para matustusan ang bisyo. Dahil sa pagkalulong dito, may ina na ibinenta ang kanyang sanggol para lamang may maitaya sa e-sabong.
Maraming OFWs ang umuwi sa bansa na lubog sa utang dahil sa pagkatalo sa e-sabong. Hanggang ngayon ang 34 na sabungeros na nawawala ay hindi pa natatagpuan.
Ano ang pumasok sa kukote ng mga nagnanais buhayin ang e-sabong?
- Latest