EDITORYAL — Kahinaan ng PNP vs Quiboloy
HANGGANG ngayon, hindi pa nadarakip ng Philippine National Police (PNP) si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy. Wala ring makapagsabi kung nasaan siya. Mahina na ba talaga ang intelligence gathering ng PNP at hindi nila matunugan ang kinaroroonan ng pastor? Bukod kay Quiboloy, limang iba pa ang hinahanap. Iisa pa lamang sa mga akusado ang nadadakip. Si Quiboloy at mga kasama ay nahaharap sa kasong child abuse and qualified trafficking. May mga kaso rin sa United States na kinakaharap si Quiboloy.
Kahit nag-offer na ng P10 milyon reward ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa makapagtuturo kay Quiboloy, wala pa ring resulta. Ni anino ni Quiboloy ay hindi makita. Ginagawa kaya ng Philippine National Police (PNP) ang lahat nang paraan para mahuli ang pastor at iba pa? O hindi nagbubuhos ng kanilang atensiyon para ganap na matunton ang nagpakilalang chosen son of God?
Dahil sa kabiguan na makita si Quiboloy, sinibak ni PNP chief General Rommel Francisco Marbil ang 15 pulis. Ayon kay Marbil, lumitaw sa imbestigasyon na tatlong police commissioned officers at 12 police non-commissioned officers ang kinasuhan ng administratibo dahil sa kabiguang maaresto si Quiboloy. Niliwanag ni Marbil na hindi sinibak ang 15 dahil sa pagiging abusado kundi sa kabiguang mahuli ang fugitive na si Quiboloy at mga kasama nito.
Habang hindi makita ng PNP si Quiboloy, nag-offer naman ng P20 milyon na reward ang mga miyembro ng KOJC sa makakapagbigay sa kanila ng impormasyon sa nagbigay ng donasyon na P10 milyon sa gobyerno. Ayon sa abogado ng KOJC, nais nilang malaman kung sino ang nasa likod ng pagbibigay ng P10-milyon kay DILG Secretary Benhur Abalos.
Ibuhos ng PNP ang lahat ng kanilang pagsisikap para maaresto si Quiboloy upang hindi mapaghinalaang may pinapanigan sa pagpapatupad ng batas. Kapag ang huhulihin ay mga pipitsugin, mabilis pa sa alas kuwatro kung salakayin ang tirahan at naka-full battle gear pa. Bakit hindi ganito ang gawin sa pastor na minsan ay nagsalitang hindi siya pahuhuli nang buhay.
Dapat maging hamon sa PNP ang ginagawang pagtatago ni Quiboloy. Huwag hayaang linlangin ni Quiboloy. Hanapin siya at iharap sa korte upang malitis sa mga kasalanan.
- Latest