^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Carlos Una

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Carlos Una

Nakatala na sa kasaysayan ng sports sa bansa ang ginawa ni gymnast Carlos Yulo na nakakuha ng dalawang gold medal—isa para sa floor exercise at isa para sa vault ng gymnastics sa Paris Olympic na ginanap sa magkasunod na araw. Dahil sa ginawa ni Yulo, ang Pilipinas ang tanging bansa sa Southeast Asia na nakakakuha pa lamang ng gold habang sinusulat ito. Napabilang na ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang nakakuha ng ginto. Maraming natighaw ang kauhawan sa medalya dahil sa ginawa ni Yulo.

Dahil din sa ginawa niya, dalawang magkasunod na araw na itinaas ang watawat ng Pilipinas at tinugtog ang Pambansang Awit. Si Yulo ang unang naka­gawa nito kaya hindi na malilimutan kailanman ang kanyang pangalan. Siya ang ikalawang Pilipinong atleta na nakakuha ng ginto. Una si Hidilyn Diaz na na nakakuha ng ginto sa weightlifting noong 2020 sa Tokyo Olympics.

Nagsimulang mag-training sa gymnastics si Yulo sa edad na pito. Ayon sa kanyang lolo na si Rodrigo Frisco, nakita niyang pa-tumbling-tumbling sa isang playground na malapit sa kanilang lugar Leveriza St., Malate, Maynila. Madalas din itong makita na nano­nood sa mga gymnasts na nagsasanay sa Rizal Memorial Colesium na malapit lamang sa kanilang tirahan sa Malate. Dahil sa nakitang pagkahilig ng apo sa gymnastics, dinala niya ito sa Gymnastics Association of the Philippines (GAP) at doon ito nagsanay.

Nang nag-aaral na si Yulo sa Aurora A. Quezon Ele­mentary School, nagsanay siya para sa national games at naging bahagi ng gymnastics team ng National Capital Region. Habang nag-aaral ng high school sa Adamson University, sinusuportahan siya ng GAP sa kanyang mga pagsasanay sa gymnastics.

Ang mga sumunod pa ay ang kanyang pananagumpay sa larangan ng gymnastics. Ang pagiging disiplinado ang isa sa kanyang ipinapayo sa mga baguhang gymnasts.

Marami pang ibibigay na karangalan sa bansa si Yulo sapagkat bata pa siya. Nagsisimula pa lamang ang kanyang magandang karera sa gymnastics. Pero dapat nang maghanap ang pamahalaan ng mga ka­ba­­taang susunod sa yapak ni Yulo. Sabi ni President Marcos­ nang batiin si Yulo sa pagkakakuha ng ikalawang ginto, mayroon pa raw mga susunod sa binigay na karangalan ni Yulo.

Dapat buhusan ng pamahalaan ng suporta ang gymnastics na nagbigay ng ginto sa bansa. Suportahan din ang boksing at weightlifting. Sa mga ito umaani ng medalya ang bansa.

Nararapat humanap ng mga bagong Yulo para sa hinaharap.

vuukle comment

CARLOS YULO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with