EDITORYAL - Hustisya sa drug war victims, lapit na?
May natatanaw na sinag ng pag-asa ang mga kaanak ng drug war victims sa panahon ng Duterte administration. Unti-unti nang nahahawi ang lambong ng ulap at may sumisilip na liwanag. Ito ay matapos ipahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi haharangin ng pamahalaan ang arrest warrants na ilalabas ng International Criminal Police Organization (Interpol) kaugnay sa drug war case ng International Criminal Court’s (ICC). Ayon kay Remulla, walang dahilan para hadlangan ang paghahain ng warrant ng Interpol. Iginagalang umano niya ang aksiyon ng Interpol. Ayon pa kay Remulla, mayroong request mula sa ICC prosecutor para interbyuhin ang mga high-ranking police officers na pinagsususpetsahang sangkot sa madugong kampanya sa droga ng nakaraang Duterte administration.
Binanggit sina Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, dating Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde, dating Criminal Investigation and Detection Group chief Romeo Caramat Jr., dating National Police Commission commissioner Edilberto Leonardo, at dating PNP Intelligence Officer Eleazar Mata na mga suspects ng Office of the Prosecutor ng ICC.
Una nang ipinahayag ni Solicitor General Menardo Guevarra na hindi nila mapipigilan ang ICC na magsagawa ng imbestigasyon sa mga suspects sa drug war case.
Kung walang paghadlang ang DOJ sa gagawin ng Interpol, nakikita na nga na uusad ang pag-iimbestiga sa mga pagpatay na naganap sa drug war campaign. Maari nang arestuhin ang mga itinuturong nasa likod ng brutal na pagpatay noong 2016 kung saan kabi-kabila ang pagpatay. Parang bumabaril lamang ng aso ang mga pulis.
Sa war on drugs ng Duterte administration na nagsimula noong 2016, umabot sa 6,252 ang namatay. Ang masaklap, ang mga napatay ay napatunayang inosente sa drug charges. Kabilang sa mga napatay ng pulis sa isinagawang drug operation ay mga inosenteng kabataan. Kabilang dito sina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman. Si Kian ay sapilitang inaresto ng mga pulis sa Caloocan City at saka walang awang binaril habang nakaluhod at nagmamakaawa. Si Arnaiz ay tinaniman ng droga saka pinatay. Si Kulot ay sinunog at natagpuan ang bangkay sa Nueva Ecija.
Sana nga malapit nang maisilbi ang hustisya sa mga pinatay. Malasap na sana ng mga kaanak ng biktima ang matagal nang inaasam na katarungan.
- Latest