^

PSN Opinyon

Walang trabaho?  Baka puwede ka sa Austria!

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Isang mabundok na bansa sa Europe ang Austria na sa salitang Aleman ay kilala sa pangalang Österreich, na ibig sabihin sa Ingles ay silangang lupain.  Hindi gaanong palasak bilang destinasyon ng mga overseas Filipino worker ang Austria pero matagal na ring may mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho roon o doon na isinilang at lumaki o naging mga Austrian citizen na rin. Hanggang noong 2018, ayon sa Department of Foreign Affairs, umaabot sa 30,000 ang bilang ng mga Filipino-Austrian na naninirahan sa Austria. Nabatid naman sa datos ng Department of Migrant Workers noong 2022 na merong 5,824 OFW sa Austria na sa bilang na ito, 1,220 ang nagtatrabaho sa hospital at food service category at 749 ang nasa health at social service sector.

Gayunman, takdang kumuha ng bagong 500 OFW taon-taon ang Austria dahil malubha ang pangangailangan nito sa mga professional at skilled worker. Noong huling linggo ng Oktubre ng taong ito, napaulat na nilagdaan ng mga kinatawan ng mga pamahalaan ng Austria at ng Pilipinas ang isang memorandum of agreement para sa pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa naturang bansa sa Europa.

Ayon sa isa sa mga kinatawan ng Austria na si State Secretary for Tourism Susanne Kraus-Winkler, kabilang sa mga manggagawang kailangan sa kanilang bansa ay iyong nasa larangan ng  engineering, construction,  information technology, healthcare, hospitality at  tourism.

Ipinahayag naman ni DMW Undersecretary Patricia Yvonne Caunan na kasama sa kasunduang ito ng mga pamahalaan ng Pilipinas at Austria ang pribadong sektor. Humigit-kumulang na 20 kumpanya ang kasama, na ang ilan ay kumukuha na ng mga manggagawa mula sa Pilipinas at ang iba ay umaasahang makakakuha ng marami pa.

Sinasabi pa sa mga ulat na ang umiiral na minimum na sahod sa Austria ay 2,000 euros a month o P120,000. Pero binanggit ng mga opisyal na Austrian na meron ding mekanismong nagtatakda ng minimum na suweldo sa iba’t ibanng propesyon at nagtitiyak ng umento tuwing ikatlo o ikalimang taon depende sa industriya.

Wala pang linaw kung kailan aktuwal na magsisimula ang pangangalap ng mga OFW o saan o paano mag-aaplay ang mga gustong magkapagtrabaho sa Austria o ano ang mga rekisitos pero sinabi ng DMW na bubuksan nito ang programa para sa mga pribadong lisensiyadong recruitment agencies kapag nailatag na ang kaukulang proseso. Maaaring napakaaga pa habang isinusulat ito pero maaasahan marahil sa madaling hinaharap na makikita sa website ng DMW ang mga ispesipikong trabahong maaaring aplayan sa Austria at ang mga lehitimo at lisensiyadong recruitment agencies na malalapitan ng mga aplikante. Maganda ring magtanong sa DMW o tumingin sa mga lehitimong job website sa internet o magtanong sa mga kakilala sa Austria kung meron man. Maging maingat at mapagmatyag lang laban sa mga illegal recruiter, scammer at iba pang klase ng mga panloloko.

Makakabuti ring kilalanin ang dadayuhing bansa, ang kultura at kasaysayan nito, mamamayan, lengguwahe, mga batas, paniniwala, tradisyon, kaugalian at iba pa. Aleman ang pangunahing lengguwahe sa Austria. Batay sa payo ng mga kaukulang eksperto, mas malaki ang tsansang matanggap sa trabaho at umasenso sa isang dayuhang bansang tulad ng Austria kung nakakapagsalita ka sa kanilang lengguwahe. Madali rin ang pakikipag-usap at pakikibagay sa mga mamamayang Austrian kung nakakaintindi ka ng kanilang mga salita. Nakakatulong sa sino mang dayuhan na maalam sa wikang ginagamit ng dinarayo nilang bansa lalo na kung magtatrabaho siya o permanente nang maninirahan dito.

Ayon sa CountryReports, ang mga Austrian ay hindi mga Aleman. Insulto sa kanila ang matawag na German. Pero ang kanilang pangunahing lengguwahe ay tinatawag na Austrian German.

Kadalasang maliliit ang mga pamilyang Austrian. Isa o dalawa lang ang anak. Pero malalaki ang mga rural families. Ang mga lalake ay tumatayo kapag merong babaeng pumapasok sa isang kuwarto o kapag meron silang kausap na babae na nakatayo rin.

Paboritong sports sa Austria ang skiing, soccer, volleyball, basketball, ballet at dancing.

Malaking isyu sa Austria ang acid rain. Halos 37 porsiyento ng kagubatan dito ang winawasak ng acid rain. Madalas umuulan sa ilang bahagi ng bansa na mahigit 200 beses sa isang taon.  Karamihan ng mga taxi sa Austria ay Mercedes.

Malaking kaugalian sa Austria ang laging nasa tamang oras sa lahat ng bagay. Mas gusto ng mga Austrian na maligo sa ilog o lawa kaysa sa swimming pool.

Sinasabi naman sa The World Pursuit na  1.69 milyong mamamayan na naninirahan sa Austria ay hindi isinilang sa Austria.

Sa mga paaralan sa Austria na katumbas ng elementary school, ang mga batang mag-aaral ay tinuturuan sa klase ng iisang guro sa loob ng apat na taon. Pumapasok ka lang sa eskuwelahan mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali.

Madalas mapagkamalang bansang Australia ang Austria.

Isinilang sa Austria ang maraming kilalang tao sa mundo tulad ng diktador na si Adolf Hitler, actor-pulitikong si Arnold Schwarzenegger, neurologist na si Sigmund Freud at musikero-kompositor na si Wolfgang Amadeus Mozart.

* * * * * * * * * * * * * * *

 

Email- [email protected]

vuukle comment

OFW

WORKER

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with