^

PSN Opinyon

OFWs  minamaliit o iniinsulto sa Germany?

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Kabilang ang Germany sa mga bansang interesado ring  kumuha ng mga overseas Filipino worker. Lubha ring malaki ang pangangailangan ng Germany sa mga skilled worker kaya tumatanggap ito ng mga dayuhang manggagawa tulad ng mga OFW. Sa katunayan, meron ding pakikipagkasunduan ang pamahalaang Pilipino at pamahalaang Aleman para sa pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa Germany lalo na ng mga health professional tulad ng mga nurses. Isa rito iyong Triple Win Project kaugnay ng pagpapadala ng mga nurse na Filipino sa Germany.

Gayunman, tila wala nang balita kung ano na ang nangyari o kumusta na ba ang kalagayan ng mga OFW na naipadala at nagtatrabaho na sa Germany sa nagdaang mga taon o dekada o kahit sa kasalukuyang panahon.  Maaaring maganda naman ang kalagayan kaya walang dapat ikabahala. Tahimik sa kanilang hanay at walang maririnig mula sa kanilang pamilya. Tumatagal ba sa kanilang trabaho ang mga OFW o umaalis din sila sa Germany pagkatapos ng kanilang kontrata?  Hindi ba nare-renew ang kanilang job contract? Aktibo nga ang pamahalaang Alemanya sa pagkuha at pagtanggap ng mga skilled worker na Pilipino pero tanggap ba sila ng mga mamamayang Aleman? Paano tinatrato ng mga mamamayan ng Germany ang mga OFW o ang ibang dayuhang manggagawa sa kanilang bansa? Okay lang ang mga OFW para sa pamahalaan ng Germany pero paano ang pakiramdam at pananaw ng kanilang sariling mga mamamayan?

Gayunman, nakakabahala, kung totoo nga, iyong isang lathalaing lumabas kamakailan sa South China Morning Post na nagsasaad na, kahit nangangailangan ng mga skilled worker ang Germany, hindi naman nagtatagal at lumalayas din  doon kinalaunan ang mga temporary migrant worker dahil sa  burukrasya at diskriminasyon.

Isinaad sa lathalain na, ayon sa analisis ng German Employment Agency, malubha ang kakulangan sa mga skilled worker sa isa sa anim na propesyon sa naturang bansa. Isang dahilan ito kaya nirereporma ng pamahalaang Alemanya ang skilled labor migration law nito para maging madali sa mga dayuhang manggagawa na makapasok sa Germany. Gusto naman ng mga manggagawang dayuhan tulad ng mga OFW na magtagal sa Germany pero hindi nangyayari. Umaalis din kinalaunan sa naturang bansa ang marami sa kanila at dumarami ang kanilang bilang, ayon kay Herbert Brücker ng Institute for Employment Research sa Nuremberg, southern Germany.

Sa survey ng Tübingen Institute for Applied Economic Research sa halos 1,900 tao sa pamamagitan ng Facebook mula Disyembre 2021 hanggang Enero 2022, lumalabas na maraming dayuhang manggagawa ang umaalis sa Germany dahil sa burukrasya tulad ng pagkapaso ng kanilang temporary contract o dahil hindi kinikilala ang kanilang professional qualifications. Hindi malinaw iyong hinggil  sa temporary contract pero maaaring ipakahulugan na hindi nare-renew ang kanilang job contract na dahilan para umalis sila sa Germany pagkapaso ng kanilang kontrata. Dalawa sa bawat tatlong highly qualified professional mula sa mga bansang nasa labas ng Europe ang nagsasabing nakakaranas sila ng diskriminasyon sa Germany.

Idiniin naman ng direktor ng pag-aaral na si  Bernhard Boockmann na ang pag-aaral ay hindi representative o masasabing hindi kumakatawan sa lahat o nakakarami dahil isa pa lamang itong preliminary study para sa isang mas malawakang survey. Bukod dito, marami na rin namang mga Pilipinong matagal nang naninirahan, nananatili at nagtatrabaho sa Germany kaya nga kailangan pa ng ibang pananaliksik na susuporta sa nabanggit na pag-aaral.

Kinumpirma rin ng Hamburg-based business psychologist na si Grace Lugert-Jose na nagnula rin sa Pilipinas   na, sa pakiramdam ng mga manggagawa mula sa ibang bansa, hindi sila laging ‘welcome’ sa Germany. Batay anya sa pakikipag-usap niya sa mahigit 100 Filipino nurses sa pamamagitan ng social media noong nakaraang taon, marami sa mga OFW na ito ang nakakaramdam na hindi sila nagugustuhan at hindi kinikilala ng mga German ang kanilang kuwalipikasyon. One-fifth ng mga Pilipino ang nagkuwento ng mga insidente ng diskriminasyon at racism. “Halimbawa, iniinsulto at minamaliit sila dahil hindi sila magaling sa salitang Aleman,” wika sa Ingles  ni Lugert-Jose na 20 taon nang naninirahan sa Germany.

Inihalimbawa rin sa lathalain ng SCMP ang Filipino nurse na si Raymund Guevarra na limang taong nagtrabaho sa isang ospital sa Lower Saxony, Germany. Umalis siya sa naturang bansa at, mula noong Enero ng taong ito, naninirahan na siya at ang kanyang asawa sa Florida,United States.

Nasabi ni Guevarra na napakahirap bumili ng bahay sa Germany. Napakakumplikado ng pagkuha ng driving license o residence permit sa Germany bukod sa napakahirap pag-aralan ng salitang Aleman.  Hindi tulad sa Amerika na maraming mapagpipilian, mas komportable ang buhay at suportado siya ng pamahalaan dito dahil sa kanyang trabaho.

Ayon naman kay Lugert-Jose, kumikilos naman ang mga employer sa Germany para matulungang makipamuhay sa mga mamamayan ng kanilang bansa ang mga dayuhan nilang manggagawa. Batid din ng mga employer ang problema sa  magkakaibang kultura na nagdudulot ng hindi pagkakaunawaan.  Pero hindi sapat ito, sabi ng ibang  mga eksperto, dahil marami pang ibang  pers0nal na dahilan kaya nililisan din ng maraming dayuhang manggagawa ang Germany.

Totoo man o hindi ang mga nabanggit sa taas, isang realidad na dapat alamin at paghandaang harapin ng mga Pinoy na gustong magtrabaho sa ibang bansa ang dayuhang kulturang kanilang makakasalubong pagdating nila sa isang dayuhang lupain. Dapat din marahil natututukan din ng pamahalaan ng Pilipinas ang naturang isyu sa pagpapadala ng mga OFW sa Germany.

* * * * * * * * 

 

Email – [email protected]

vuukle comment

OFWS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with