^

PSN Opinyon

Pinay titser sa Harvard lumikha ng kasaysayan

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Naging malaking balita kamakailan sa iba’t ibang media outlet, print at online edition, ang pagkakatalaga sa gurong Pinay mula sa Cavite  na si Lady Aileen Orsal bilang kauna-unahang Filipino language instructor sa Harvard University.  Magtuturo siya ng elementary at intermediate Tagalog courses sa Asia Center at Department of South Asian Studies ng Harvard University. 

Itinuturing na makasaysayan ang pagkakatalaga kay Orsal sa naturang posisyon. Sa halos 400 taong kasaysayan ng Harvard, ngayon lang ito nagkaroon ng kursong Tagalog at titser sa wikang Filipino.  Ikinakatwiran din ng Harvard na ang Tagalog ang ikaapat na lengguwaheng ginagamit sa United States kasunod ng English, Spanish, at  Chinese.

Bukod dito, ang Harvard ang pinakamatanda at isa sa kinikilalang pamantasan sa United States at buong mundo.  Matatagpuan ito sa  Cambridge, Massachusetts sa USA. Kabilang ito sa mga tinatawag na ivy league universities.

Sinasabi pa na ang naturang hakbang ay sumasalamin sa pagkilala ng Harvard sa lumalaking kahalagahan ng wika at kulturang Filipino sa Amerika.

Marami na rin namang ibang mga Filipino teacher na matagal nang nagtuturo sa iba’t-ibang eskuwelahan o pamantasan sa U.S.. Hindi malayong asahan na meron din sa kanila na nagtatagumpay at nagtatamo ng malalaking karangalan sa kanilang propesyon. Walang nakalaang impormasyon kung may iba pang mga eskuwelahan, kolehiyo o pamantasan sa U.S. na nag-aalok ng kursong Filipino at mga titser na Filipino ang nagtuturo sa ganitong kurso o subject.

Gayunman, lubha na ring lumalaki ang mga populasyon ng mga Pilipino sa Amerika. Bukod sa mga Pilipinong dumayo o naging migrante roon, marami na ring mga Pilipino na isinilang at lumaki sa U.S.. Pero, kahit nasa bansang Amerika na may mga Pilipino na patuloy pa ring guma-gamit ng wikang Filipino lalo na sa loob ng kani-kanilang pamilya. Itinuturo nila ito maging sa mga anak nila na roon na ipinanganak at lumaki. 

Ayon sa Migration Policy Institute, lumalabas sa pinakahuling survey noong 2021 ng American Community Survey ng U.S. Census Bureau na umaabot na sa dalawang mil-yon ang bilang ng mga Pinoy na naninirahan sa U.S. na kumakatawan sa mahigit apat na porsiyento lahat sa 45.3 immigrants sa U.S

 At, dahil nga marahil ang Harvard ay isang institusyong may napakalaking pangalan sa mundo, naging malaking balita at naging bahagi ng kasaysayan nito ang pagtatayo ng kursong Filipino at pagtatalaga ng unang Filipino instructor dito sa katauhan ni Orsal na lumikha ring kasaysayan dito.

Bago natanggap sa Harvard, si Orsal ay naging teaching assistant for introductory and intermediate-level Filipino courses sa Northern Illinois University noong 2018 sa ilalim ng Fulbright Fo-reign Language Teaching Assistant program. Kasalukuyan siyang nag-aaral ng M.A. in Communication sa pamantasan ding ito at kumukuha siyang PH.D. sa Philippine Studies sa De La Salle University sa Pilipinas

Unang nagtapos si Orsal ng kursong  Bachelor of Arts degree in Mass Communication noong 2012 sa Cavite State University (CSU) sa Cavite sa Pilipinas at  Master of Arts degree in Philippines Studies noong 2017 sa La Salle  University. Nagturo siya sa CSU at pagkatapos ng kanyang Master’s sa La Salle noong 2017 ay nagtungo siya sa Amerika at naging titser doon.  Inaasahang sa taong 2024 ay magtatapos siya ng kanyang Master’s degree in Communication sa  Northern Illinois University at PhD sa Philippine Studies sa De La Salle University. 

Sa kanyang Facebook account, nagpahayag ng pasasalamat si Orsal sa oportunidad at pagkilala sa kolektibong pagsisikap ng mga indibidwal at ins-titusyon na nakaambag sa pagtataguyod ng wikang Filipino at kulturang Filipino sa akademya. ‘Ang pagkakataong maituro [ang Filipino] ay bunga ng pagsisikap ng mga taong patuloy na inadhika na magkaroon ng mayaman at makabuluhang programa ng Filipino sa pamantasan,’ sabi pa niya.

“Gayunpaman, naniniwala akong ma-liit na bahagi lamang ako ng istorya at ang pagkakataong maituro ito ay bunga ng pagsisikap ng mga taong patuloy na inadhika na magkaroon ng ma-yaman at makabuluhang programa ng Filipino sa pamantasan,” wika pa ni Orsal. “Ang pagpupunyagi nila ang tunay na nais kong ibida. Kasama na rito ang pagsaludo sa lahat ng mga gurong Pilipino at guro ng/sa Filipino sa loob at labas ng bansa partikular na ang mga guro sa CvSU at DLSU at sa mga kaibigan at mentor ko na guro sa NIU at iba pang pamantasan sa Estados Unidos na dahilan kung bakit patuloy akong natututo sa mga istratehiya sa pagtuturo ng ating wika at kultura.”

Walang nakalaang lantad na ibang impormasyon hinggil sa buhay ni Orsal maliban sa kanyang mga kredensiyal bilang titser sa Pilipinas at sa Amerika. Tila tumatanggi siyang magpaunlak sa interbyu ng mga media outlet. Nasabi niya sa isang ulat sa Philippine Entertainment Portal,  “ipagpaumanhin po ninyo ang hindi ko pagpapaunlak sa imbitasyon para sa mga panayam sa ngayon dahil nais kong gamitin ang oras para ituon ang aking atensyon sa paghahanda para sa klase na aking tinuturuan kasabay ng mga klase sa gradwadong programa na patuloy na humuhubog sa akin sa kasalukuyan.” Nagbiro pa siya na, “bagamat walang gaanong naniniwalang kaibigan ko (haha!) ay mahiyain po ako at hindi ko nais na sa akin mapunta ang atensyon sa ngayon.”

Hirit pa niya, “Hindi po ako suplada, at alam po ng aking mga kaibigan, kapamilya, at katrabaho ang aking dedikasyon sa pagtuturo kung kaya muli po akong humihingi ng paumanhin sa pagtanggi sa panayam sa ngayon. Mas sanay po yata akong magturo ng pagsusulat ng balita at pagsusulat mismo ng balita kaysa maisulat sa balita.”

Pagtatapos niya, “Alam ko pong ito ay #para sa bayan at dalangin ko po na patuloy nating ikarangal ang pagiging Pilipino saan mang sulok ng mundo.”

* *  * * * * *  * * * *

 

Email- [email protected]

vuukle comment

OFW

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with