^

PSN Opinyon

Oportunidad: Mag-aral sa ibang bansa!

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Marami na ring mga estudyanteng Pilipino na nakakapag-aral sa ibang bansa. Ilan sa kanila ang nagmula sa pamilyang mayayaman o merong kakayahan sa buhay na nakakapagsustento ng pag-aaral nila sa ibayong-dagat.  Meron namang nagawang makapasok sa mga dayuhang pamantasan sa pamamagitan ng scholarship, grants, financial aid o  exchange program. May mga estudyante naman na habang nag-aaral sa ibang bansa ay merong pinapasukang trabaho roon na nakakatulong sa mga kinakailangan nilang gastusin. Maaaring ang iba ay merong sponsor na nagtataguyod ng pag-aaral nila sa ibang bansa. May mga bansa rin na nag-aalok ng libreng pag-aaral sa mga dayuhang estu-dyante tulad ng sa mga Pilipino.  Ilang estudyanteng Pilipino naman ang nakapunta at nakapag-aral sa dayuhang bansa sa tulong ng magulang nilang  overseas Filipino worker.

Ang pagpapatuloy ng pag-aaral sa ibang bansa ang isa sa maaaring gawin ng mga kabataang Pinoy na grumadweyt sa high school o college lalo na kung merong dumarating na tamang oportunidad. Malaki rin ang tsansang makapagtrabaho sila sa dinayo nilang bansa pagkatapos nilang mag-aral doon o matanggap agad sa aaplayan nilang kumpanya pagbalik nila sa Pilipinas.

Pero hindi naman madali ang mga pro-seso sa pagpasok sa mga dayuhang pamantasan.  Maraming kailangang daanan at isaalang-alang. Mahalagang magsaliksik hinggil dito ang sino mang interesado.

Hanggang noong huling bahagi ng taong 2022, tinatayang nasa 49,000 ang bilang ng mga estudyanteng Pilipino na nag-aaral sa ibang bansa. Ito ay batay sa datos ng International Education Specialist (IDP) Philippines na isang global education consultant para sa mga gustong mag-aral sa labas ng Pilipinas. Sinasabi ng IDP na patuloy na dumarami ang mga estudyanteng Pilipino na nag-aaral sa ibayong-dagat. Kabilang sa mga nangungunang bansang pinupuntahan ng mga estudyanteng Pilipino para mag-aral ang Australia, Canada, United States, United Kingdom, Japan at New Zealand. Maraming Filipino graduate ang kadalasang nakakakuha ng trabaho sa larangan ng healthcare / medicine, business, IT at engineering.

Nabanggit ni IDP Philippines country director Jose Miguel Habana sa naglabasang mga ulat na nangunguna sa mga bansang pinipili ng mga estudyanteng Pinoy ang Canada at Australia dahil ang mga bansang ito ay  “very innovative in creating post study work rights.”

Lumalabas anya sa survey ng IDP na ang dalawang pangunahing dahilan kaya nag-aaral sa ibang bansa ang mga estudyanteng Pilipino ay ang kalidad ng edukasyon doon at oportunidad na makapagtrabaho pagkatapos ng pag-aaral.

Naobserbahan din ni Habana na mas madali na ngayong makakuha ng trabaho ang mga international student kumpara sa nagdaang ilang mga taon dahil malaki ang kakulangan sa skilled workers sa buong mundo na dulot ng pandemya.

“Mapalad tayo na pagkatapos ng pan-demya, ang mga bansang tulad ng Canada, Australia at maging ang United Kingdom ay bukas na bukas para tanggapin ang mga dayuhang manggagawa,” sabi ni Habana sa ilang mga ulat.

“Malinaw na pangunahing pinagkukunan ng mga manggagawa ng ilan sa mga bansang ito ay ang mga migrante. Sinisikap nilang mapunuan ang kakulangan sa pamamagitan ng pagkuha sa mga dayuhang estudyanteng nag-aral sa mga educational institution ng kanilang bansa.”

At dahil naging pamilyar na ang mga estudyanteng Pilipino sa kultura at pamumuhay ng dinayo nilang bansa pagkatapos ng kanilang pag-aaral, maaaring nagiging madali sa kanila na makahanap ng trabaho roon, makakuha ng permanent residency, at oportunidad na  makapanirahan doon.

Nagiging pinakamalaking problema lang ng maraming Pilipinong nag-aaral sa ibang bansa ang pera. “Mas marami pa sanang estudyanteng Pilipino ang makakapag-aral sa ibayong-dagat kung meron silang sapat na pondo,” sabi ni Habana na nadagdag ang isang hamon, ang kakulangan ng mahahalagang impormasyon hinggil sa kakaharapin nila sa mga bansang ito.

Nabatid din sa Commission on Higher Education na,  noon lang taong 2018, umaabot sa 16,578 Filipino student ang nag-aaral sa ibang bansa. Halos dumoble ang bilang kumpara sa datos na naitala noong 2008 na umaabot sa 8,413.

Nagmula ang datos sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO). Maliit pa nga ito kumpara sa kasalukuyanng datos ng IDP Philippines.

Ipinapayo naman ng ilang eksperto sa ganitong usapin na saliksikin at makipag-ugnayan sa mga pamantasan sa ibang bansa na nagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga dayuhang estudyante.

Maaaring silipin ang website ng mga  pamantasang ito kung meron man o ang website ng embahada o konsulado ng ibang bansa para ma-kita ang posibleng inaalok nilang mga scholarship.

Gayunman, meron ding mga language requirement sa ilang mga bansang tumatanggap ng dayuhang estudyante.  May mga bansang nag-aalok ng English-taught program habang ang iba ay hinihingi sa a-plikante ang kahusayan sa lokal nilang wika. Mahalagang alamin ang language requirements ng mapipili mong pamantasan o kurso at kumuha ng kailangang language proficiency test tulad ng   IELTS o TOEFL.

* * *

Email – [email protected]
 

vuukle comment

OFW

SCHOOL

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with