^

PSN Opinyon

Malungkot

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Sayang naman. Nagsimula ang linggong ito sa masamang balita. Ang Manila Central Post Office (MCPO), ang kilalang gusali sa Liwasang Bonifacio, ay natupok ng sunog na nagsimula noong Linggo ng gabi. Halos 30 oras nasunog ang gusali bago nakontrol ng mga rumespondeng bumbero. Hindi pa alam ang pinagmulan ng sunog na mabilis kumalat dahil sa mga lamang sulat, dokumento at kahon bukod sa kahoy na sahig at kisame ng gusali.

Kumalat ang mga larawan at video sa social media na nagpapakitang lumalagablab ang apoy sa likod ng mga kilalang hanay ng gusali. Nasa tatlongdaang milyong piso ang danyos. At ngayon pa lang ay may panawagan mula sa mga mambabatas sa pagpapanumbalik ng gusali. Ang problema ay kung saan pagmumulan ang pondo.

Itinayo ang gusali noong 1926 mula sa disenyo nila Ralph Doane, Tomas Mapua at Juan Marcos de Guzman Arellano. Nasira ito sa Battle of Manila noong World War II at naayos naman noong 1946. Tatlong taon na lang sana, isang siglo na ang gusali. Kilalang-kilala ang gusali dahil sa mga hanay nito. Malungkot at isa na namang makasaysayang landmark ang nasira.

Parang nababawasan na nang husto ang mga lumang gusali at istraktura sa Maynila. Maganda sana kung naiingatan ang mga ito para may bakas pa ng nakaraang naiiwan para sa lahat ng henerasyon. Mahalagang malaman ang kasaysayan sa pamamagitan ng mga lumang gusali at istruktura. Walang masama sa modernong gusali pero hindi rin dapat mawala ang lumang karakter ng isang siyudad, pati ng buong bansa.

Isang halimbawa ang Intramuros. Makasaysayang lugar na panahon pa ng Kastila. Ika-16 na siglo nagsimula ang paggawa ng Intramuros. Itinayo ang mga pader para mag­silbing tanggulan sa pagsalakay. Noong natalo ang mga Kastila sa mga Amerikano, marami ang binago sa Intramuros. Ang dating pumaligid na tubig ay tinabunan para maglagay ng golf course.

Noong World War II, halos maubos ang lahat ng gusali at istruktura sa loob ng Intramuros, kabilang ang mga simbahan at unibersidad. Tanging ang San Agustin Church ang naiwang nakatayo kaya ginawa na siyang UNESCO World Heritage Site para maalagaan nang husto. Nata­yuan na ng mga bagong gusali ang karamihan ng lugar sa Intramuros. Sayang at hindi napanatili ang lumang karakter.

Sana nga at agarang maayos ang MCPO. Pero mukhang tatlo hanggang limang taon aabutin ang pagsasaayos. Ang pagmumulan ng pondo ang magiging hadlang sa mabilis na pagsasaayos sa gusali. Dapat magtulungan ang gobyerno at pribadong sektor. Malungkot at naunahan na naman ng disgrasya bago nakita ang mga maaaring pagmulan ng sunog. May nag-iinspeksyon ba ng gusali lalo na’t puro madadaling masunog ang laman nito?

vuukle comment

RALPH DOANE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with