^

PSN Opinyon

Dagdag lugar para sa EDCA

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

ANG Pilipinas at U.S. ay nagtalaga ng apat pang lugar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) kung saan pwedeng ilalagay ng US military ang kanilang mga kagamitan at pangangailangan ng kanilang sundalo. Nanga­ngahulugan na ang U.S. ay maaaring kumilos mula sa lahat ng mga base sa ilalim ng EDCA. Ang kasalukuyang limang base sa ilalim ng EDCA ay ang Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Benito Ebuen Air Base sa Cebu sa Visayas, at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City sa Mindanao. Hindi pa pinangalanan ang apat na bagong lugar na isasama.

Ang dahilan ng EDCA ay upang bigyan ang militar ng U.S. ng presensya sa rehiyon habang binubully ng China ang lahat upang angkinin ang halos buong South China Sea. Pahihintulutan ang militar ng U.S. na magtayo ng imprastraktura sa mga baseng ito upang umangkop sa kanilang mga panga­ngailangan. Sinabi ni Defense Sec. Galvez na “ang layunin ng mga bilateral na pagsisikap tulad ng EDCA ay upang bumuo ng deterrence at hindi para sa pakikisali sa digmaan o pakikialam sa mga domestic affairs ng ibang mga bansa.”

Binalaan ng Chinese Embassy sa Maynila ang Pilipinas laban sa pagbubukas ng mga bagong site para magamit ng U.S., na sinasabing “malubhang makakasama” nito ang Pilipinas. Naniniwala ako na tinutukoy niya ang isyu ng Taiwan kung sakaling lusubin ng China ang Taiwan, maaaring madawit ang bansa sa hidwaan dahil tutulungan ng U.S. ang Taiwan na ipagtanggol ang bansa nila. Ang paninindigan ni President Marcos Jr. sa isyu ay ibang-iba sa kanyang hinalinhan. Nakikita niya ang U.S. bilang kaalyado at naniniwala siya sa pagpapalakas ng ugnayang pampulitika at militar kumpara kay dating President Duterte na halos kinasusuklaman ang mga Amerikano at yakapin naman si President Xi Jinping, maging ang kriminal na si Putin.

Nitong mga nakalipas na buwan, pinalakas ng China ang maritime militia nito sa Ayungin Shoal. Nagpadala ang bansa ng mga protesta sa China na siguradong hindi binigyang pansin. May mga ulat ng panliligalig ng milisya na ito sa mga supply run sa BRP Sierra Madre at sa mga lokal na mangi­ngisda. Kung masusunod ang China, mas gugustuhin nitong idaan sa diplomasya ang mga isyu hinggil sa South China Sea. Ngunit kamakailan lamang ay tinutukan ng China ng laser ang Philippine Coast Guard. Ganyan ba ang diplomasya nila?

Ang U.S. pa rin ang ating pinakamalapit at pinakamakapangyarihang kaalyado. Ang mga site ng EDCA ay naroroon para sa U.S. upang mapanatili ang presensya sa rehiyon. Gumagana ang EDCA sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malapit na konsultasyon sa pagitan natin at ng U.S. Ngunit hindi nila pag-aari ang lugar. Hindi puwedeng gawin na lang nila ang anumang gusto nila o gumawa ng mga pang-aabuso. Hindi natin gusto ng isa pang kaso tulad ni Daniel Smith.

vuukle comment

ENHANCED DEFENSE COOPERATION AGREEMENT

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with