^

PSN Opinyon

Bagong modus

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

NAGBABALA ang Philippine National Police (PNP) tungkol sa panibagong scam na mayroon nang nabiktima. Nagsisimula ito sa isang tawag na may naka-record na mensahe bago ito sinusundan ng aktwal na tao na taga-Philpost (Philippine Postal Service) daw. Tinatanong kung may ipinadala o may hinihintay na package. Susundan ito ng pananakot na ang package (napadala man o natanggap daw) ay naglalaman ng mga ipinagbabawal na bagay tulad ng mga bank card, ATM card o pasaporte at sinasabing ginagamit sa money laundering. Ipakakausap pa sa isang “pulis” na itutuloy ang pananakot ng malaking multa o pagkakakulong.

Upang ayusin ang problema, dapat daw pumunta ang biktima sa “isang sangay ng Philpost sa Cebu”. Karamihan sa mga biktima ay hindi naman taga-Cebu kaya iminumungkahi ang pagbabayad ng multa online. Dahil takot na ang biktima at ayaw namang tumungo ng Cebu, magbabayad ang biktima ng halagang P50,000 o higit pa. Tagumpay na ang scam. Dagdag pa ng PNP, karamihan sa mga biktima ay maykaya o sa madaling salita, mayaman. Sino nga naman ang madaling maglalabas ng P50,000 para matapos na, hindi ba?

Una, hindi ako naniniwalang tatawag ang Philpost kung may isyu sa isang package. Malamang magpapadala sila ng notice o sulat kung may problema ang package. O kung kriminal na ang isyu, pupuntahan ka na ng pulis. Pangalawa, katawa-tawa ang pagsabi na kailangang magtungo ng Cebu kung maraming branch ang Philpost sa buong bansa. Kung ang package ay may isyu, ang tumanggap na branch ng Philpost ang maglalabas ng notice. Doon pa lang ay dapat nagsuspetsa na ang biktima.

Nagtagumpay ang scam na ito dahil sa matinding taktika ng pananakot at pagbibigay ng solusyon na hindi magagawa ng biktima, sa kasong ito ay pagpunta dapat sa Cebu. Isa pang napansin ko ay ang paggamit ng landline. Dahil lahat ng SIM card ay kailangan nang i-rehistro sa gobyerno, ang mga scammer ay bumabalik sa landline.

Upang maiwasang ma-scam, ito ang aking mga abiso. Kung nakatanggap ka ng recorded message kuno mula sa Philpost, ibaba na ang telepono. Inirerekomenda ng PNP na ipaalam sa mga awtoridad pero ano ba ang masasabi mo sa kanila? Kung may caller ID ang iyong landline, ipaalam sa kanila ang numerong pinanggalingan ng tawag. Kumuha na ng caller ID kung wala pa. Uulitin ko, hindi ako naniniwalang may recorded message feature ang Philpost. Kung mangyari man na talagang naghihintay ka ng isang pakete, siguradong makatatanggap ka ng abiso.

Dapat lagi tayong handa at listo laban sa mga manloloko. Lahat na ng klaseng scam nagagawa nila. Nakakalungkot na kailangan munang may mabiktima bago maipaalam sa publiko ang bagong scam. Sana ay naibahagi na sa publiko ang bagong modus na ito. Nais kong makitang may mahuli ang PNP at makulong na mga scammer.

vuukle comment

PNP

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with