^

PSN Opinyon

Anti-poor? Tigilan na ang kaplastikan!

UNFILTERED - Ben Tulfo - Pilipino Star Ngayon

HINDI nanindigan ang mga kawani ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pagbabawal sa mga wet market ng pampano at pink salmon. 

Bakit? Isinangkalan ang mga mahihirap. Ginamit ang kanilang karapatan at kapakanan “daw”. Nabahag nga ba ang buntot nila o natapalan na ang mga mata ng pilak ni Hudas? 

Kaya ang siste, ipagpapaliban muna nila ngayong Pasko ang pagbebenta ng mga imported na pampano at pink salmon sa mga wet market. Take note, ang pampano at pink salmon ay may specialized importation permit. Ibig sabihin may importer na kumukuha ng permit sa Department of Agriculture-BFAR. 

Sa permit, ibinibenta lamang ito sa mga membership supermarket, ordinaryong supermarket, sini-serve at niluluto sa mga restaurant ng mga 5-star hotel o specialized restaurant. Sa madaling salita, para sa mga maykaya. Kung ganoon, paanong nakaabot ang mga imported pampano at pink salmon sa mga wet market? Tandaan, ang mga isdang ito ay wala sa karagatan ng Pinas.

Kung susuriin, hindi anti-poor ang isyu rito. Ang totoong isyu ay ang mga putok sa buhong mga importer na maitu­turing smuggler na rin. Sila ang maaaring nasa likod ng “diversion” ng pampano at pink salmon.  

Kung ang nasasaad sa permit ay dapat binibenta lamang sa mga kilala at malalaking membership supermarket, mga restaurant ng mga 5-star hotel at mga flashy at classy na mga restaurant na pang maykaya, bakit napupunta sa wet market? 

Ang bukambibig natin ngayon, “anti-poor,” labag sa kani­lang karapatan at kapakanan. Isinangkalan ang mga mahihirap na parang sila ang ating ipinaglaban. Subalit ang katotohanan na hindi nakikita ng karamihan, yumayaman si smuggler, importer at diversionist.  Sa katagalan, kawawa ang mga maliliit na mangingisda. 

Salamat sa utak ng mga lobbyist at mga PR ng mga smuggler at importer. Dahil sa smuggler, naloloko ang ating gobyerno, nananakawan dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis. Hindi nakuntento sa tone-toneladang import permit kaya ikinakalat sa mga wet market ngayong kapaskuhan. 

Kaya sino bang pinagloloko niloloko niyo? Huwag na tayong magplastikan pa! Hindi si Juan dela Cruz ang target market ng mga isdang ito. Oo, karapatan din ng mga pobre nating kababayan na makakain nito, subalit may presyo. Hindi ito pang-poor kundi pang-institusyon.

Hindi sa dinedepensahan ko ang mga aanga-anga’t hindi kayang manindigan na kinauukulan. Subalit, tuwing isusubo natin ang masarap at malinamnam na pampano at pink salmon na nabili sa wet market, isipin na sinasang-ayunan din natin ang gawain ng mga smuggler.

BFAR

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with