^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Mag-ingat sa bagong Omicron subvariant

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Mag-ingat sa bagong Omicron subvariant

Nagdudulot ng pangamba ang balitang nasa Pilipinas na ang bagong subvariant ng Omicron at mayroon nang 14 na kaso na na-detect ang Department of Health (DOH). Biglang-bigla na nasa bansa na ang subvariant BQ.1 at mayroon nang tinamaan. Paano nangyari ito gayung lagi nang sinasabi ng health authorities na mino-monitor nila ang mga pumapasok sa bansa. Masyado na bang maluwag at wala nang ginagawang pag-monitor sa mga pumapasok sa bansa? Pasok na lang nang pasok ang mga dayuhan at mga balikbayan? Tanggap na lang nang tanggap para bumalik ang sigla ng turismo at nang makaahon na ang lugmok na ekonomiya.

Ayon sa DOH, ang mga bagong kaso ng Omicron subvariant BQ.1 ay nakita sa 14 na samples na nagmula sa Cordillera Admi­nistrative Region (CAR), Ilocos Region, Calabarzon, Central Visayas at National Capital Region (NCR). Nakita umano ito sa pinakahuling genome sequencing na ginawa noong Oktubre 28 hanggang Nobyembre 18. Sinabi ng DOH na ang subvariant BQ.1 ay variant interest ng European Center Disease Control. Mas malala umano ang dinudulot nitong sakit kaysa sa ibang variant ng Omicron. Mas mabilis at madali rin umano itong mailipat sa ibang tao.

Noong nakaraang linggo, nagbabala ang OCTA Research Group na maaaring nasa bansa na ang subvariant BQ.1 at ito ang magiging dahilan nang pag-akyat ng kaso ng COVID-19. Kailangan umano ang istriktong pag-iingat upang hindi na lumaganap ang bagong subvariant.

Hindi dapat ipagwalambahala ang nangyayaring ito. Nararapat magpatupad na nang paghihigpit lalo pa at papalapit na ang Pasko at Bagong Taon na marami ang magtitipun-tipon. Ipatupad ang mahigpit na pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay at ipagbawal muna ang pagtitipon. Kailan pa maghihigpit kung nakakalat na sa buong bansa ang bagong variant? Hindi na dapat maulit ang mga nangyari na kung kailan marami na ang infected ay saka naghigpit. Magbabalik na naman sa panibagong hirap ang bansa.

DOH

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with