^

PSN Opinyon

Mga Filipino sa Canada at U.S. umukit ng kasaysayan

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Ilang mga Pilipino o mga Amerkano at Canadian na may dugong Pilipino ang umukit ng kasaysayan nang manalo sila sa nagdaang eleksyon sa Canada at United States nitong nagdaang dalawang buwan sa taong ito. Hindi kataka-taka ang malaking bilang ng naturang mga Pilipino na nagtatangka at nagtatagumpay na pumapasok sa pulitika sa kinalakihan at kinamulatan nilang mga dayuhang bansa.  Lubha na rin kasing lumaki ang populasyon ng mga Pilipinong residente o citizen na ng mga bansang ito kaya nagkakaroon na rin sila ng hangaring magkaroon ng boses sa gobyerno ng mga ito lalo na sa lehislatura para marinig ang kanilang mga hinaing o karaingan  at maitaguyod ang anuman nilang simulain.

Iniulat ng Statistics Canada sa 2021 survey nito na umaabot sa 960,000 residente  ng Canada ang natukoy na mga Filipino o may dugong Filipino. Binubuo nila ang may 2.6 porsiyento ng kabuuang populasyon ng Canada. Sinasabing ang   Filipino-Canadian community ang ikaapat na pinakamalaking racialized group sa naturang bansa kasunod ng South Asians, Chinese at Black people.

Sa United States naman, umaabot na sa 4.2 milyon ang bilang ng mga Pilipino na naninirahan doon hanggang noong taong 2019 batay sa analisis ng Pew Research. Dahil dito,  binubuo nila ang third-larget Asian origin group sa naturang bansa.

Marami na ring mga Filipino-Canadian at Filipino-American na nagtatagumpay o kinikilala sa mga pinapasok nilang larangan o propesyon o trabaho. Nariyan halimbawa ang mga nasa  negosyo, health sector, sining, education, agham at teknolohiya, industriya, entertainment, at iba pa.  Sa pulitika, ilang beses at ilang Pilipino na rin ang nagtangkang tumakbo sa iba’t-ibang posisyon sa mga pamahalaan ng naturang bansa. May mga nagtatagumpay at nabibigo.

Sa resulta ng lokal na eleksyon sa British Columbia sa Canada noong Oktubre 15,  sinasabing naging makasaysayan ang pagkapanalo rito ng Filipino-Canadian community na matagal nang naghahangad na magkaroon ng mas malawak na representasyon sa pamagalaan sa naturang bansa.

“We had the most successful (electoral) campaign for the Filipino-Canadian community in (British Columbia). We made history,” sabi sa Philippine Reporter ni Mable Elmore na isang Member of Legislative Assembly (MLA) para sa Vancouver-Kensington electorial district at unang MLA sa British Columbia na may lahing Pilipino. Nagbago anya ang political landscape doon.  Inihalimbawa niya ang pagkapanalo ng tatlong kandidatong Filipino-Canadian sa municipal council at dalawa pa sa local school board. Binanggit niya na itinuturing na ngayon lang nagkaroon ng nahalal na mas maraming Pilipino sa BC sa isang halalan.  Kabilang sa tatlong Filipino-Canadian na nahalal na mga konsehal sina Maita Santiago sa Burnaby, Gregg Apolonio sa Dawson Creek at Edwin Empinado sa Kitimat na pawang magsisilbi ng four-year term.

Sinabi pa ni Elmore na lumalaki na ang pagkilala sa mas malawak na base ng Filipino-Canadian community.

Kulang naman ang espasyo ng kolum na ito para mapangalanan ang lahat ng mga Filipino-American na nahalal sa iba’t-ibang lokal na posisyon sa midterm election sa U.S. noong Nobyembre 8 bagaman wala pang opisyal na datos sa aktuwal na bilang nila.  Sa isang ulat ng GMA News, sinabi ng National Federation of Filipino-American Associations (NaFFAA) na ilang Filipino-American ang nakagawa ng historic victories sa midterm election sa Amerika noong Nobyembre 8 ng taong ito.

"Our biggest achievement for this year's November elections is seeing more Filipinos stepping up to run for public office,”  sabi ni NaFFAA president at national chairperson Brendan Flores sa isang pahayag.

Idinagdag ni Flores na magiging inspirasyon ito sa mga Filipino-Americans at ibang minority communities na magsalita, makilahok at making dahil sa ganitong representasyon sa gobyerno. “We are excited to see progress for our community. Filipino Americans offer a unique type of leadership that is founded upon their deep love for their families and communities,” dagdag niya.

Sa mga nahalal, si Steven Raga ang naging unang Filipino American sa New York State Legislature. Si Maria Cervania naman ang magiging unang Filipino American member ng North Carolina Legislature makaraang manalo sa eleksyon para kumatawan sa District 41. Muli namang nahalal sina Kris Valderrama, isang Maryland House of Delegates member, at  Marvin Lim, isang state representative sa District 98 sa Georgia.  Sina Brandon Elefante at Henry Aquino ang bagong halal na senators sa Hawaii State Senate. Sa California, muling nahalal si Rob Bonta bilang Attorney General para sa US State na pinaninirahan ng 500,000 Filipino. Si Representative Bobby Scott na nanalo sa  US House election sa third congressional district ng Virginia ang nananatili bilang highest-ranking Filipino American elected official. Pinakabatang Filipino-American naman na nahalal bilang council member ng Pinole City, California si Cameron Sasai sa edad na 23 anyos.

Ayon sa NaFFAA, marami ring Filipino-American ang nanalo sa local government position sa halalan nitong Nobyembre. Sa halalan sa pagka-mayor sa California, nanalo sina Jed Leano ng Claremont City, Rod Daus-Magbual ng Daly City at Melissa Ramoso ng City of Artesia. Ang iba ay sa mga konseho at school board.

* * * * * * * *

Email: [email protected]

CANADIAN

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with