Pilipinong henyo sinayang
“Minsan sa sandaang taon may isinisilang na kakaibang nilalang na babaguhin ang santinakpan.” Parangal ‘yan kay Leonard Legaspi Co, pangunahing botanist, taxonomist at conservationist ng Pilipinas. Ginalugad ni Leonard ang maraming gubat para pag-aralan. Ipinaglaban ang proteksyon kontra pagmimina at pagtrotroso.
Kabisado ni Leonard ang tawag sa Tagalog, English at lokal na wika sa bawat katutubong damo, pako at puno. Memoryado niya pati scientific names. Mahigit 10,000 species ng halaman ang pinag-aralan niya. Walo roon ay siya mismo ang nakadiskubre. Ipinangalan sa kanya ang isa, Rafflesia leonardi, uri ng higanteng bulaklak, sinlaki ng tricyle, sa Southeast Asia. Itinuro niya sa mga nakababatang scientists lahat ng natutunan sa 40 na taon.
Nobyembre 15, 2010 sumapit ang trahedya. Nagsasaliksik si Leonard sa gubat ng Kananga, Leyte, nang barilin ng mga sundalo. “Tama na, hindi kami armado,” sumigaw si Leonard bago sila pumanaw ng kasamang Sofronio Cortez at magsasakang Julio Borromeo.
Sabi nu’ng una ng mga sundalo na pinaputukan sila nina Leonard kaya nag-return fire. Pinabulaanan ito ng dalawa pang nagsasaliksik na nasugatan, forester Ronino Gibe at magsasakang Policarpio Balute. Bitbit lang nila ay panungkit na kawayang pinintahan ng orange, payong at basket. Binago ng mga sundalo ang salaysay; kesyo raw naipit sa crossfire laban sa mga rebeldeng New People’s Army sina Leonard. Sagot nina Gibe at Balute na sa hanay lang ng mga sundalo nanggaling ang mga putok.
Lumalabas na tinambangan sila ng mga sundalo, paglabag sa batas, paglapastangan sa karapatang pantao.
Ikinalat ng asawa’t anak ni Leonard ang abo niya sa Sierra Madre na malimit niya ng akyatin noon. Konting abo ay ibinaon sa malaking puno na itinanim niya nu’ng 1975 sa U.P.-Diliman campus. Sumisigaw ang pamilya’t mga kaibigan ng katarungan para kay Leonard.
- Latest