^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Bantayan ng DTI, mga ganid na negosyante

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Bantayan ng DTI, mga ganid na negosyante

Sa panahon ng kalamidad, lumulutang ang mga ganid na negosyante. Mistulang mga buwitre sila na nag-aabang nang masisila o malalapa. Tiyak na sasamantalahin ng mga ganid ang pagkakataon para kumita nang malaki ngayong marami ang nawalan ng bahay at kailangan ng pagkain at iba pang pangangailangan. Titipak sila nang limpak na pera sa mga ibibenta ngayon dahil wala nang pagpipilian ang mga tao. Kahit mahal, bibili ang mga ito sapagkat kailangang-kailangan.

Ang pagbabantay ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga napinsalang lugar sa bansa dulot ng super typhoon Karding ay nararapat paigtingin. Tiyak na itataas ng mga ganid na ne­gosyante ang presyo ng kanilang produkto partikular ang pagkain at mga gagamiting materyales para sa pagpapatayo ng mga nasirang bahay. Mula sa pako, yero, coco lumber at iba pang construction materials ay tiyak na itataas ng mga tusong negosyante. Wala sa bokabularyo nila ang awa sa kapwa bagkus ang pagkita ng pera ang kanilang minimithi sa tuwina. Para sa kanila, wala nang kapwa-kapwa pa sa panahon ngayon.

Grabeng tinamaan ng Bagyong Karding ang limang bayan sa Quezon’s Polilio Group of Island na kinabibilangan ng Polilio, Burdeos, Panukulan, Jomalig at Patnanungan. Halos lahat ng bahay sa mga nasabing bayan ay nawasak sapagkat doon nag-landfall ang Bagyong Karding. Pati mga school ay nawasak kaya walang gagamitin ang mga estudyante.

Grabe ring nasira ang pananim sa mga lugar na nabanggit kaya humihingi ng tulong ang mga residente. Hindi raw nila alam kung paano makakaba­ngon sa pinsalang dinulot ng bagyo. Bagama’t marami ang nawasak na bahay, naipagpapasalamat ng mga biktima na walang namatay o nasugatan sa kanila.

Agarang tulong ang dapat ikaloob sa mga nabiktima ng bagyo hindi lamang sa Quezon kundi maging sa Aurora, Bulacan, Pampanga at Nueva Ecija. At paigtingin ang pagbabantay sa mga magsasamantalang negosyante. Kawawa naman kung mabibiktima ang mga nawasak ang bahay at ari-arian.

DTI

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with