^

PSN Opinyon

Pitong Pinoy sa UAE magkakalaro, magkaibigan, magkasosyo sa negosyo

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Marami na ring mga Pilipino sa ibang mga bansa ang pumapasok sa larangan ng negosyo. Overseas Filipino worker man sila o permanente nang naninirahan sa ibayong-dagat, naaakit na rin silang mamuhunan sa iba’t-ibang klase ng negosyo para madagdagan ang kanilang kinikita. Meron sa kanila na, kahit meron nang mga regular na trabaho, nagagawa pa nilang magamit ang kanilang libreng oras para sa ibang kabuhayan tulad ng negosyo. May mga nagsosolo sa negosyo at meron ding mga nakikisosyo sa ibang mga Pilipino o ibang lahi sa isa o ilang negosyo. Ilan ding mga Pilipino ang nagbibitiw na sa trabaho para mag-full time sa negosyo. Nagiging halimbawa at inspirasyon sila ng ibang mga OFW na nakikipagsapalaran sa ibang bansa para magkaroon sila ng at ang kanilang pamilya ng magandang kinabukasan. Kabilang kasi ang pamumuhunan sa mga maaaring mapagpilian ng mga OFW para madagdagan ang kanilang kinikita at bilang paghahanda sakali mang mawalan sila ng trabaho.

Tulad sila nina Rolly Brucales, Pol Ryan Hernandez, Angie Brucales, Marjorie Sac, Apple Hernandez, Erick Olete, at Bert Garde. Pito silang mga Pilipino na naninirahan sa bansang United Arab Emirates (UAE). Nagkasama at naging magkakakoponan at tagasuporta sila sa iba’t-ibang sports tournament sa buong UAE. Pinagtagpo sila sa mga larong bowling at basketball. Matibay ang samahan at pagkakaibigan nila bagaman magkakaiba ang kanilang mga trabaho tulad ng sa accounting, nursing, business at human resources.

Pero hindi natatapos sa palakasan ang kanilang pagkakaibigan na nagbunsod sa pagbuo nila ng isang negosyo- ang Off The Hook (OTH) seafood restaurant. Lumaki ang kanilang negosyo na nagkaroon na ng 12 sangay sa kasalukuyan mula nang itatag nila ang restawran noong 2016. Naging inspirasyon sila ng ibang mga Pilipino sa UAE na bumili ng prangkisa ng restawran.

 “Sinimulan naming tipunin ang aming mga pera noong 2016 at itinayo ang isang maliit na negosyo para madagdagan ang kita naming bilang dayuhang Pilipino,” sabi ni Brucales sa wikang Filipino  isang ulat ng Gulf News. Si Brucales na managing partner ng OTH ay nakapanayam sa pagbubukas ng ika-12 sangay nila sa Manar Mall kamakailan.

Nagbukas ang unang sangay ng kanilang restawran noong 2016 sa Abu Dhabi. “Pagkaraan ng anim na taon, meron na kaming kabuuang 12 sangay sa UAE- lima sa Abu Dhabi, Apat sa Dubai, at tig-isa sa Al Ain,  Sharjah at Ras Al Khaimah,” saad ni Brucales.

Ang susi anya sa kanilang tagumpay ay maisusuma sa isang salita- Teamwork.

“We all love sports like bowling and basketball – and this team spirit was the same mantra we adopted when we decided to venture in business,” dagdag ni  Brucales. 

 Ipinaliwanag pa niya na, tulad sa palakasan, kailangan ang teamwork para magtagumpay sa negosyo.  “Nakatulong ito sa amin para malagpasan ang mga problemang nakaharap namin sa unang ilang buwan at taon ng operasyon namin. Ilan lang sa amin ang merong background sa negosyo. Ang iba ay nagtatrabaho sa health industry pero nakakakuha kami ng lakas mula sa bawat isa sa amin,” dagdag ni Brucales na nagbigay ng pagkilala sa kanyang mga partner na sina Hernandez, Angie Brucales, Sac, Apple Hernandez, Erick Olete at Bert Garde sa tagumpay ng  OTH.

Bawat isa sa kanila ay nag-ambag ng iba’t-ibang halaga ng pera na nagmula sa kani-kanilang personal na impok. Bawat isa ay binigyan ng tungkulin. Merong itinalaga sa accounts, ang iba ay sa customer relations, front desk, kitchen management at operations.

Binanggit din ni Brucales na lahat sila ay baguhan sa food industry pero pinupunuan nila ang bawat isa. “Walang nakakapagdomina sa mga pagpapasya dahil lagi kami umaasa sa aming kolektibong mga desisyon,” diin niya.

Mula sa pitong founding partner, inimbitahan ng kanilang grupo ang ibang investors para magbukas ng mga prangkisa ng OTH sa Sharjah, Ras Al Khaimah at Fujariah na pawang nasa UAE rin.

Nagbukas ang unang franchised branch ng OTH sa Sharjah noong nakaraang taon sa ilalim ng trade name na Chef Signature na pinamamahalaan ng 11 pang Filipino entrepreneur na nahimok magnegosyo ng grupo ni Brucales.

Si Alvin Aliviano naman na isang radiographer at madalas kalahok sa mga bowling tournament sa Dubai at Abu Dhabi ay inorganisa ang kanyang mga kaibigan at team mates para buksan ang sarili nilang OTH franchise sa RAK sa ilalim ng trade name  na Bowls Avenue Cafeterria and Restaurant na kumakatawan sa hilig nila sa bowling.

Sinabi ni Aliviano na binubuo sila ng 10 pin bowlers mula sa Filipino Bowling Club at ang samahan nila ay  humigit pa sa bowling lanes at, habang isinusulat ito, pinaplano nilang magbukas ng pangalawanh franchise sa RAK.

Binanggit naman ni Brucales na nitong buwan ng Setyembre ay inaasahan ang pagbubukas ng ika-13 sangay ng OTH sa Fujairah. Nasa pinal na antas na ang planong pagbubukas ng sangay nila sa Doha, Qatar  at hinahangad nilang makapagbukas ng sangay sa Bahrain at Saudi Arabia sa malapit na hinaharap.

vuukle comment

NEGOSYO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with