^

PSN Opinyon

Walang perfect!

UNFILTERED - Ben Tulfo - Pilipino Star Ngayon

DINUMOG at dinagsa ng publiko ang opisina ng Department of Social and Welfare Development (DSWD) nitong nagdaang linggo. Ito’y matapos ihayag ng ahensiya na maaaring makakuha mula sa gobyerno ng educational cash assistance ang mga estudyante ngayong pasukan.

Sino ba naman ang ayaw ng libreng cash assistance? Aminin man o hindi, malaking tulong ito sa mga magulang matapos ang dalawang taong distanced learning.   

Panawagan ni DSWD Sec. Erwin Tulfo sa publiko, gamitin ang makukuhang assistance sa tamang paraan. Ilaan para sa mga estudyanteng totoong nangangailangan or doon sa mga tinatawag na student in crisis. 

Subalit, maraming nagalit at nainis sa nangyaring tula­kan­, siksikan at balyahan nitong nakaraang Sabado. Ka­liwa’t kanan ang paninisi sa ahensiya. Hindi raw pinaghandaang mabuti ng DSWD ang pamamahaging naganap.

Agad humingi ng dispensa ang aking utol sa pangya­yaring ito, tinanggap ang pagkakamaling nangyari. Nangako siya na aayusin ang sistema sa pamimigay ng ayuda. Anang DSWD, upang hindi na dumugin ng tao, bilang solusyon ay DSWD na mismo ang lalapit sa mga local government unit. Patunay ito na nakikinig ang DSWD sa pulso ng publiko.  Marunong tumanggap ng pagkakamali’t pamumuna. Handang magbago ng nakasanayan.

Bilang dagdag puwersa, makikipagtulungan na ang DSWD sa Department of Interior and Local Government (DILG) at mga local government units (LGU) sa pamamahagi ng educational assistance. Paglilinaw din ng DSWD, hindi kasali sa educational assistance ang mga kasalukuyang bene­ficiary na ng 4P’s. 

Sa gitna ng pagbabatikos ng iba, naniniwala ako’t ang marami pang Pilipino sa kakayahan ng aking kapatid. Bilang isang retiradong sundalo, kapag ‘yan nangako, siguradong tutuparin niya kasabay ng dedikasyon sa pagseserbisyo. 

Para naman sa patuloy na mga ngumangawa’t patuloy na pagpipista sa isang pagkakamali, may panawagan din sa inyo si Secreatry Tulfo: “Tama na ho! We heard your message, we’re adjusting, re-calibrating and we promise to do better.” 

Wala naman kasing perpekto sa mundong ito.

DSWD

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with