^

PSN Opinyon

Sa inyo ang Scarborough, anang America kay Quezon

SAPOL - Jarius Bondoc - Pilipino Star Ngayon

Bilang Commonwealth President, pinlano agad ni Manuel Quezon na patrolyahan ang Scarborough Shoal. Nakalista ito sa 1918 Census of Philippine Islands ng mga Amerikano. Nu’ng Dec. 1937, pina-survey muli ang bahura sa gilid ng Zambales ni Wayne Coy ng U.S. High Commission for the Philippines kay Capt. Thomas Maher ng U.S. Coast and Geodetic Survey. Pinalagyan din ni Maher kay Coy ng parola doon.

Iminapa na ni Kastilang prayle Pedro Murillo Velarde­ ang bahura nu’ng 1734, at muli itong inikot ng Malaspina Expedition nu’ng 1792. Dahil bahagi ito ng kolon­yang Kastila, ani Maher, sakop ito sa mga isinuko ng Spain sa America sa Treaty of Washington, Nov. 7, 1900.

Pinaliham ni Quezon si Executive Sec. Jorge Vargas kay Coy kung payag ang America na patrulyahan ito ng Commonwealth Government para sa mga eroplano at barko. Ipinasa ni Coy ang liham kina U.S. Sec. of War Harry Woodring at Sec. of State Cordell Hull.

Sagot nina Hull at Woodring nu’ng July 27, 1938 na walang ibang bansang umaangkin sa Scarborough. Bagama’t wala ang bahura sa mga teritoryong isinuko ng Spain nu’ng unang Treaty of Paris, Dec. 10, 1898, nakalista ito sa pahabol na 1900 Treaty of Washington. Walang tutol ang America sa paggamit nito para sa nabi­gasyong himpapawid at dagat, ani Hull. Pero dapat daw abisuhan din sina Sec. of the Navy W. R. Furlong at Sec. of Commerce Paul Frizzell.

Sagot nina Furlong at Frizzell na walang tutol ang U.S. Civil Aeronautics Authority sa balak ni Quezon. Kaya pinatrulyahan na nga ang Scarborough na isinalin na ng America sa Pilipinas.

Nu’ng 1947 inimbento ng Kuomintang Government sa Taiwan ang 11-dash line na sumasaklaw sa Scarbo­rough. Nu’ng 1952 ginawa itong 9-dash line ng Communist Government sa Beijing. Nu’ng 2013, inagaw ng Beijing ang bahura at naglabas ng 10-dash line saklaw ang Taiwan. (Batay ito sa saliksik ni international maritime lawyer Jay Batongbacal.)

SCARBOROUGH SHOAL

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with