^

PSN Opinyon

Huwag namang pagsamantalahan

K KA LANG - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Sa loob ng mahigit dalawang taon, namayani ang COVID-19 sa mundo. Ipinatupad ang lockdown upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. Inutusan ang mga tao na manatili sa loob ng bahay. Tinamaan nang husto ang mga negosyo. Nang medyo nabawasan na mga kaso, maraming negosyo ang hindi na nakabawi at permanenteng nagsara.

Tila bumabalik sa normal ang buhay sa kabila ng mga babala na pagdami muli ng kaso kung magiging pabaya ang tao. Ang mga negosyong hindi permanenteng nagsara muling sinimulan ang kanilang operasyon. Marami ang nag-aalok ng mga promo upang akitin muli ang mga customer. Napuno na ng tao ang mga mall. Tinatangkilik ang mga kainan. Parang bumabawi nga ang mga kainan sa rami ng tao. Ipinagpatuloy na ang operasyon ng mga sinehan. Higit sa lahat, nabuhay ang turismo.

Mayroon akong mga kaibigan at kamag-anak na hindi nag-aksaya ng oras sa paglalakbay sa mga lokal at inter­nasyonal na destinasyon. Ngunit ang gusto natin ay ang mga turista ang pumunta sa bansa at tamasahin ang ating iniaalok. Kilala ang Pilipinas sa mga sikat na tourist spot gaya ng Boracay, mga isla sa Palawan, at mga lugar sa Davao, Baguio, at marami pa. Ang Boracay ay hindi na nangangailangan ng kamakailang pagsusuri para sa COVID. Ipakita lamang ang vaccination card at makakapasok na. Tila ganundin ang ginagawa sa ibang lugar.

Ang isa sa mga lugar na nag-viral kamakailan ay ang Virgin Island sa Panglao, Bohol. Nag-viral ang isang pira­song papel kung saan nakalagay ang matataas na presyo ng mga pagkaing inorder ng grupo ng mga turista sa isang food vendor. Twenty six thousand pesos ang bina­yaran sa pagkain. Hindi na baguhan ang Pilipinas sa pagkaing-dagat dahil sa rami ng isla kaya marami ang hindi maka­paniwala sa taas ng presyo ng mga pagkain.

Mabilis ang reaksiyon sa social media kaya agad nabigyan ng pansin. Mala-five-star hotel daw ang presyo ng pagkain. Pinagsamantalahan ng vendor ang grupo ng mga dayuhang turista na napilitang bayaran at baka hindi sila ibalik sa pinanggalingan. Nagpaliwanag naman na 13 ang kumain. Kung ganun, lumalabas na higit P2,000 kada tao. Mataas pa rin.

Kumilos naman kaagad ang mayor at governor ng Bohol. Sinuspindi ang mga aktibidad sa Virgin Island kasama na ang pagtanggal sa lahat ng mga nagtitinda. Ang pamamasyal lamang ang kasalukuyang pinapayagan. Hindi ko maintindihan ang gawain ng ilang establisimento na sinasamantala ang mga dayuhang turista. Hindi lang nasisira ang imahe ng lugar kundi ang Pilipinas at ang mga mamamayan. Naisulat na ng isang travel blogger ang insidenteng ito, at binanggit na ang mga lugar tulad ng Bali at Phuket kung saan mas mura ang maging turista.

Kailangang itigil ang pananamantala sa mga dayuhang turista. Dapat tratuhin ng isang establisimento ang mga dayuhan gaya ng pagtrato nila sa mga lokal. Wala nang mas magandang paraan para ibenta ang bansa kaysa sa mapag-usapan ng maganda. Sa tingin ko rin, dapat imbestigahan ng lokal na pamahalaan kung gaano na ito katagal ginagawa sa Virgin Island. At gaya ng napansin ng ilan, ang mga establisimentong ito ba ay naglalabas ng mga opisyal na resibo, at nagbabayad ba sila ng buwis? Maging babala ito sa mga oportunistang vendor. Gusto nating bumalik ang mga turista, kasama ang mga kamag-anak at kaibigan. Hindi umalis na may masamang panlasa dahil sa masamang karanasan.

COVID-19

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with