^

PSN Opinyon

Tulong sa mga nasalanta ng lindol

QC ASENSO - Joy Belmonte - Pilipino Star Ngayon

Anumang panahon, sinisikap ng Lungsod Quezon na uma­gapay, hindi lang sa mga residente nito, kundi pati na rin sa ibang mga probinsya, siyudad o bayan na nanganga­ilangan.

Kamakailan, nagpadala ng tulong ang ating lungsod sa mga lugar na nasalanta ng magnitude 7 na lindol—parti­kular sa Abra at Vigan City, Ilocos Sur.

Ginawa ito sa bisa ng resolusyon na inaprubahan ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council (QCDRRMC) sa kanilang special session.

Agad bumiyahe ang Team Vigan at Team Abra, bitbit ang tulong para sa mga nasabing lugar, kabilang ang kabuuang 500 partition tents, 1,000 hygiene kits, 1,000 first aid kits, 1,000 COVID kits, pagkain at supply para sa mga residente na pansamantalang nananatili sa evacuation centers.

Kasama sa team ang isang grupo ng social workers na nagbahagi ng mainit na pagkain sa mga residenteng lumi­kas sa kanilang mga tahanan.

Mayroon din tayong ipinadalang health workers na nag­bigay ng Mental Health at Psychosocial Services sa mga naapektuhan ng pagyanig.

Bukod iyan, nagpadala tayo ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) team na tumulong sa pag-inspeksyon at damage assessment sa mga gusali gaya ng paaralan para tiyakin ang kaligtasan ng mga ito.

Kabilang sa kanilang mga ininspeksyon ang Dudley S. Lara Educational Centre for Children, Burgos Memorial­ School West, at Ayusan-Paoa Elementary School sa Vigan­.

Sinuri rin nila ang mga gusali, imprastraktura, at mga bahay sa Bangued, Abra upang masigurong ligtas itong gamitin ng mga residente.

Sa pamamagitan ng Team Abra at Team Vigan, nagpahatid ako ng mensahe ng pakikiramay at pakikiisa sa mga lokal na opisyal doon. Tiniyak ko sa kanila na handa tayong magpadala ng dagdag na tulong kung kinakailangan.

Dasal ko ang mabilis na pagbangon ng mga lugar na napinsala ng malakas na lindol. Hangad ko na muling makabalik sa normal ang kanilang mga buhay sa lalong madaling panahon.

Isang pagpupugay rin sa Team Abra at Team Vigan sa kanilang pagsasakripisyo at agad na pagtugon. Karangalan kong maglingkod kasama kayo.

QCDRRMC

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with