^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Araw-araw na brownout sa Oriental Mindoro

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Araw-araw na brownout sa Oriental Mindoro

Kalbaryo ang nararanasan ng mga taga-Oriental Mindoro dahil sa araw-araw na nararanasang brownout. Imagine, 12 oras na walang kuryente araw-araw. Mayroon pa palang ganito ngayon na nagtitiis ang mga tao na walang kuryente sa mahabang oras. Paano pa nabubuhay ang negosyo sa nasabing probinsiya kung ganitong araw-araw ay walang kuryente. Bumabalik ba ang probinsiya sa unang panahon na walang kuryente. Kawawa naman ang mga mamamayan na dahil sa kawalan ng kuryente ay naiiwanan sa pag-unlad.

Dalawang dekada na ang problemang kawalan ng kuryente sa Oriental Mindoro pero walang ginagawang aksiyon ang mga pinuno. Hinahayaang magdusa ang mga Mindorenyo na mamuhay sa karimlan. Paano natitiis ng mga lider sa Mindoro na ang kanilang mga kababayan ay walang ilaw, hindi magamit ang mga electrical appliances dahil walang dumadaloy na kuryente.

Ang matindi pa, sa kabila na walang kuryente, mataas pa ang binabayarang konsumo. Nakagugulat na mataas ang electricity bill ng consumers kahit walang naihahatid na serbisyo. Hindi na makatao ang nangyayari na napagkakaitan na ng kuryente ay mataas pa ang babayaran. At matindi rin na dahil sa patay-sinding kuryente, maraming nasisirang appliance.

Ang Oriental Mindoro Electric Cooperative (Ormeco) ang nag-iisang power distributor sa probinsiya. Halos araw-araw na inuulan ng batikos ang kooperatiba dahil sa palpak nilang serbisyo. Subalit tila hindi na nakakaramdam ang mga namamahala sa Ormeco sapagkat walang ginagawang aksiyon kung paano mapagbubuti ang serbisyo.

Ayon kay Humphrey Dolor, general manager ng Ormeco, ang isyu ng independent power supply ang dahilan nang madalas na brownout sa probinsiya. Wala na siyang iba pang binanggit na dahilan. Nakapagtataka ang ibinigay niyang rason kung bakit araw-araw ang brownout.

Nararapat nang magkaroon ng imbestigasyon sa dinaranas na problema sa kuryente ng mga taga-Oriental Mindoro. Ipatawag ang pamunuan ng Ormeco, Department of Energy at Energy Regulation Commission. Pagpaliwanagin sila sa dinaranas ng mga taga-Oriental Mindoro. Huwag hayaang manatili sa karimlan ang kawawang mamamayan.

MINDORO

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with