^

PSN Opinyon

Pamahiin imbes na kaalamang-agham

SAPOL - Jarius Bondoc - Pilipino Star Ngayon

Isandaang taon nang nadiskubre ng mga doktor sa Germany ang DNA nu’ng kabataan ko nu’ng dekada-1960. Pero mabagal dumating sa mga paaralan ang bagong kaalamang agham. Batid na sa Europe na ang kulay ng buhok, bulas o boses ng anak ay halaw sa genes ng magulang. Pati ilang ugali, sakit o kapansanan niya ay dahil sa pinagsamang chromosomes ng ina at ama, na likha rin ng naghalong chromosomes ng kani-kanilang magulang, paatras sa kanunu-nunoan.

Iba sa Pilipinas. Naaalala ko ang mga haka-haka nu’ng edad-6-8 ako. Ang anak daw ay mala-milagrong retrato ng ina. Kung may mangyari habang nagbubuntis, lilitaw ‘yon sa anak. Nabuwal umano ang isang buntis at tumama ang kali­wang bahagi ng ulo sa tumpok ng uling. ‘Yon daw ang dahilan kaya kaliwang hati lang ng ulo ng anak ang may itim na buhok, samantala ang kabila ay kulay tsokolate.

Kung minsan ay sumpa o gaba umano ang dahilan. Natsismis na nilunod sa dagat ng isang maton ang kapitbahay niyang mag-ina na pinaghinalaang mangkukulam. Nagkukumahog umano ang babae at anak na dalaga habang nilulublob sila ng mamamatay-tao sa laot. Nu’ng mag-asawa’t magkaanak ang maton, lahat ng bata ay korteng sipit ng alimasag ang mga kamay. Pati mga apo ay naging gan’un din—ganti raw ng tadhana. Hindi alam kung sino’ng makulay at malisyoso ang isip na kumatha ng tsismis na pinaniwalaan ng marami.

Ngayon tinatawanan na lang ang mga kuwento na kesyo pinaglihi ang anak sa kung sino o anong bagay. Dahil sa Internet kumakalat sa kisapmata ang impormasyon sa mundo. Alam ng marami na magkaka-herd immunity sa pama­magitan ng bakuna o pagkahawa, at maglalaho ang pandemya. Pero dahil din sa Internet, mabilis kumakalat ang fake news na magiging zombie ang bakunado.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

DNA

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with