^

PSN Opinyon

Magtiis at magtipid

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

SOBRANG mahal na ng gasolina at diesel. Ngayong araw na ito ay magtataas na naman—mahigit P4 sa diesel at mahigit P2 sa gasolina. Hindi malayong tumawid na ng P100 kada litro ang presyo. Sino ang mag-aakala na aabot sa ganyan ang presyo ng gasolina? Ang malaking­ dahilan ng pagtaas ng presyo ay ang digmaan sa Ukraine. Kaya kung may gusto kayong sisihin, si Vladimir Putin iyan ng Russia. Ang kanyang iligal na pagsalakay sa Ukraine ay wala talagang basehan.

Noong una, kung anu-anong dahilan ang kanyang sinasabi. Pero lumabas na ang kanyang tunay na hangarin. Itinutulad ang kanyang sarili kay Peter the Great, empe­ra­dor ng Russia mula 1682-1725. Sa ilalim ng pamamahala ni Peter naging moderno ang Russia at nakilalang makapangyarihan sa Europe.

Siya ang namuno nang maganap ang mga mahalagang digmaan ng Russia para maging makapangyarihan­. Ang St. Petersburg ay ipinangalan sa kanya. Kaya pala nais mahambing ni Putin sa kanya. Tila binibigyan ng katwiran ang pagsalakay sa Ukraine na bahagi ng Soviet Union noon. Parang nais magbuo muli ng panibagong Soviet Union.

Ang pangunahing kalakal ng Russia ay langis at natural gas. Dahil nagpataw ng mga parusa ang maraming bansa sa Russia, hindi nabebenta ng Russia ang kanilang langis at gas. Ang problema ng mga parusang ito ay nagkakaroon ng pagkukulang ng suplay ng langis sa mundo kaya tuma­taas ang presyo.

Ang ibang bansa na may langis bukod sa Russia ay hindi pa naglalabas ng langis para palitan ang nawala mula sa Russia. Siguro natutuwa rin sila sa taas ng presyo ng langis. Ito ang kahalagahan ng paghanap ng alterna­ti­bong pagmumulan ng enerhiya at masyado nang uma­asa sa langis ang mundo. Nagiging bihag na tayo ng mga bansang iyan.

Ang tanong ay gaano katagal kaya aabutin ang digmaang ito? Malinaw na lumalaban nang husto ang Ukraine at may suporta nang maraming bansa. Nabibigyan sila ng mga armas para labanan ang Russia pero sa laki ng militar ng Russia, tila hindi ito nauubusan ng bala at sandata.

Umiiwas pa ang United States at mga bansang miyembro ng NATO na aktwal na pumasok ng Ukraine at tulungan sila at baka mauwi ito sa World War 3. At kung ganyang taliwas mag-isip si Putin, baka magpakawala ng mga nuclear missile na maaaring maging katapusan na nating lahat.

Mahirap talaga kapag masyadong makapangyarihan ang isang bansa na pinamumunuan ng lider na may ilusyong emperador o hari. Isa na rin ang China, hindi ba? Kaya wala tayong magagawa kundi magtiis at magtipid habang hinihintay na matapos ang mga kaganapang ito.

GASOLINE

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with