^

PSN Opinyon

Mga dapat gawin para lumakas ang katawan

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong - Pilipino Star Ngayon

Narito ang mga mahahalagang payo para maging malakas ang katawan sa araw-araw:

1. Kumain ng almusal na may protina at carbohydrates. Ang carbohydrates ay mula sa tinapay, kanin, at gulay. Hindi ito sapat para mapalakas ka. Kailangan may protina rin tulad ng gatas, tapa, bangus o scrambled eggs. Dahil dito, hindi magandang almusal ang donut, muffin, chocolate cake o ensaymada lamang.

2. Kumain ng katamtamang tanghalian. Ang almusal ay napakahalaga. Pero pagdating sa tanghalian ay huwag din sosobra ang kakainin at baka antukin ka. Kung napa­dami ang kain, maglakad-lakad muna.

3. Mag-ehersisyo nang bahagya. Ang paglalakad nang mabilis ay magandang ehersisyo. Pampagising ito dahil gaganda ang daloy ng dugo sa iyong utak. Ugaliing mag-ehersisyo.

4. Paisa-isa lang ang trabaho. Huwag gumawa ng tatlong bagay na sabay-sabay. Mauubusan ka ng lakas at pasensiya. Planuhin ang mga gagawin araw-araw.

5. Pumili ng positibong kaibigan. May mga taong ma­ganda ang personalidad at nagbibigay sa atin ng energy­. Umiwas sa mga taong depressed, galit sa mundo at mga problemado.

6. Isara ang telebisyon at buksan ang libro. May mga pagkakataon na ang telebisyon ay nagpapatamad sa atin. Kung gustong maglibang, magbasa ng libro. Mas nagbibigay ng energy ang pagbabasa ng libro dahil guma­gana ang ating imahinasyon.

7. Pakinggan ang iyong katawan. Napakahalagang payo ito. May mga cycle (circadian rhythms) ang ating katawan. May oras na malakas tayo at may oras na mahina. Minsan ay masayahin tayo at minsan ay malungkot naman. Normal lang iyan. Kung pagod ka ay magpahinga na. Huwag pilitin ang katawan.

8. Uminom ng multivitamins. Para sa taong nagdidiyeta o hindi kumpleto ang pagkain, makatutulong ang pag-inom ng vitamins. Minsan ay kulang tayo sa prutas at gulay. Mapupunuan ng multivitamins ang kakulangan ng diyeta natin.

9. Itigil ang paninigarilyo at pag-inom ng alak. Panandalian lang ang sarap na dinudulot ng paninigarilyo. Sa bandang huli, talo ka pa rin dahil masisira ang iyong baga. Kapag nangyari ito, mahihirapan kang kumuha ng oxygen sa katawan. Ang alak naman ay nakababawas din ng energy. May hang-over ka pa.

10. Tumanggi kung hindi kaya. Ang mga Pinoy ay nahihiyang tumanggi sa kaibigan kaya madalas na inaabuso. Kahit hindi na kaya ng ating oras, pondo at katawan, sabihin na hindi ito kaya. Huwag mahiya.

DOC WILLIE

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with