Digong nag-sorry sa sambayanan

“I did my best but I guess my best wasn’t good enough.”

Iyan ay linya sa isang lumang awitin na tila umiiral na damdamin ngayon ni Presidente Duterte na matatapos­ na ang termino sa susunod na buwan. Humingi ng pa­umanhin ang presidente sa taumbayan sa kanyang talum­pati sa inagurasyon ng bagong gusali ng Metro Manila Development Authority sa Pasig City. Palibhasa, nahahati ang pananaw ng taumbayan sa nagawa ni Duterte.

Para sa iba, kahanga-hanga ang kanyang “Build, Build, Build Program” na nakapagpatayo ng maraming imprastruktura at road networks. Ito ‘yung mga hindi natapos na proyekto ng mga nakaraang administrasyon.

Para sa mga kontra kay Duterte, tinapos lang niya ang malalaking programa ng mga nakaraang administrasyon at wala siyang kreditong dapat ipagmalaki. Sabi pa ng mga anti-Duterte, umalis bilang presidente si Noynoy Aquino­ na may natitirang pera sa kaban ng bayan at ngayon si Duterte ang papaalis, trilyon-trilyong halaga ng pagkakautang ang kanyang iiwanan.

Ngunit hindi kaya nagkaroon ng dambuhalang utang ang pamahalaan dahil sa pagtatayo ng mga proyektong napapakinabangan natin ngayon? Kahit hindi si Duterte ang nagpasimula ng mga programang tinapos ng kanyang administrasyon, sa akin ay dapat ibigay ang puntos sa kanya.

Ang hindi ko naibigan kay Duterte ay ang kanyang pagsasabing galit siya sa korapsyon. Kung taos sa puso niya ang deklarasyong ito, bakit tila kinunsinti ang mga opisyal na kilalang malalapit sa kanya na dawit sa kaso ng overpricing lalo na sa presyo ng mga protective equipment sa panahon ng pandemya?

Advertising
Scroll to continue

“Kung kulang ang nagawa ko, pasensya na,” anang presidente. Ano pa nga ba ang magagawa natin?

Show comments