Duterte reign, malamang umabot ng 18-years kung...
ANG mga tumututol sa pagkakahalal kay Bongbong Marcos bilang presidente ay maalab ding kalaban ng administrasyong Duterte. Pero nakapagtataka. Bakit isinusulong pa rin nila ang diskuwalipikasyon ni Marcos, Jr. sa Korte Suprema?
Hindi ba nila alam na kapag tuluyang nadiskuwalipika si Marcos ay mangangahulugang si Sara Duterte na nahalal bilang vice president ang uupo bilang presidente? Kung mangyayari iyan, magkakaroon ng halos dalawang termino si Sara lalo pa’t siguradong tatakbong muli sa susunod na presidential race sa 2028.
Ngayon, may iniakyat muling disqualification case sa Korte Suprema laban kay Marcos. Hinihiling nito na ideklarang walang bise ang iniharap na Certificate of Candidacy ni Marcos. Kung katigan ng Korte ang petisyon, mangangahulugan na balewala ang pagboto kay Marcos ng mahigit sa 31 milyong botante.
Ang petisyon ay iniharap ng isang grupo sa pangunguna ng paring si Fr. Christian Buenafe. Hinihiling nila na maglabas ng TRO ang Korte upang suspendehin ang pagbibilang ng National Board of Canvasser habang dinidisisyunan ang petisyon. Sa ganitong maselang issue, maikling panahon ito para makapaglabas agad ng proklamasyon ang Korte.
Malamang proklamadong presidente na si BBM kung may lumabas mang desisyon. Sakaling hindi pabor ang desisyon kay Marcos, si Sara Duterte na ang mauupong presidente.
Mantakin ninyo, madurugtungan ang termino ni Inday Sara Duterte ng isa pang termino sa kabuuang 12-taon. Idagdag pa ang katatapos na anim na taong termino ni Rodrigo Duterte, eh di lalabas na 18-taong maghahari ang rehimeng Duterte na maikli lang ng dalawang taon sa terminong 20-taon ni Marcos, Sr.?
- Latest