^

PSN Opinyon

Isa-isang bumati, isa-isang may posisyon

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Isa-isang bumabati ang mga pinuno ng ibang bansa kay Bongbong Marcos Jr. sa kanyang pagkapanalo sa naka­raang eleksiyon. Kahit hindi pa opisyal, si Marcos ang ma­gi­­ging sunod na presidente. Unang bumati ang China. Su­munod si U.S. President Joe Biden. Bumati rin si Vladimir Putin ng Russia sa kabila ng kasalukuyang digmaan sa Ukraine. Bumati na rin si Prime Minister Kishida Fumio ng Japan. Lahat tila iisa ang mensahe—seguridad sa rehiyon at pagpapatibay ng relasyon.

Ito nga ang unang isyu na dapat harapin ng administras­yong Marcos. Mainit pa rin ang isyu ng seguridad sa rehiyon dahil sa malawakang pag-aangkin ng China sa karagatan. Ayon kay DFA Sec. Locsin, ang U.S. ang pinaka “vocal” na partner sa pagpapatibay ng pagkapanalo ng bansa sa UN Permanent Court of Arbitration noong 2016. Ang U.S. nga lang ang puwedeng humarap sa China sa karagatan sa pama­magitan ng mga barkong pandigma na nagpapatrol­ doon. Ang Japan ay may sariling isyu rin ng teritoryo sa China. Ilang bansa sa ASEAN ang may isyu rin sa teritoryo kaya mahalaga ang magkaisa para mapatibay ang kanya-kanyang pag-aangkin.

Marami nang may alam kung gaano nilapit ni President Duterte ang Pilipinas sa China. Kulang na lang yakapin at halikan ni Duterte si President Xi Jinping tuwing nagkikita sila. Kung paano didiskartehin ni Marcos ang relasyon ng bansa sa China at U.S. ay kailangan pa rin makita. Sa nga­yon, lumalabas na ang mga mabibigyan ng posisyon sa kan­yang administrasyon. Si Sara Duterte na magiging vice president ay pinahawak ang DepEd. May mga umalma ka­agad dito. Si Benjamin Abalos Jr. ang ilalagay sa DILG, tila pasasalamat sa kanyang paghawak sa kampanya ni Marcos. Sila pa lang ang may sigurado nang posisyon sa Gabinete. Inaabangan nga ng mga negosyante kung sino ang itatalaga ni Marcos sa kanyang economic team.

Si Martin Romuladez na pinsan ni Marcos, ang magi­ging Speaker of the House. Inendorso pa nga siya ni dating­ President Arroyo. Ang naaalala ko riyan ay ang pagbayad­ umano ni Romualdez sa hapunan ng grupo ni Arroyo noong presidente pa. Sa Le Cirque sa New York City naghapunan ang grupo, at umabot ng $20,000 ang kanilang binayaran. Isang milyong piso noong panahong iyon. Sila-sila ang mag­kakaalyado na naman ngayong nasa kapangyarihan na naman ang mga Marcos. Pulitikang-Pilipino nga naman.

BBM

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with