^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Nagkamali sa pangako sa illegal na droga

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Nagkamali sa pangako sa illegal na droga

NOONG nangangampanya pa si President Duterte, isa sa mga ipinangako niya ay ang paglutas sa problema sa droga. Sinabi niya noong 2016, anim na buwan lang at masosolb niya ang problema sa illegal drugs. Marahil ang pangako niyang ito ang isa sa dahilan kung bakit siya nanalo sa presidency. Uhaw na uhaw ang taumbayan sa presidente na may tapang na harapin ang problema sa illegal drugs. Tanging si Duterte ang nangako ng ganito kaikling panahon—anim na buwan—para matapos ang problema sa droga. Nanalo siyang presidente.

Isang buwan makaraang makapanumpa, umarangkada na ang “Oplan Tokhang” na pinamunuan ng noon ay PNP chief na si Ronald de la Rosa na nga­yon ay senador na. Salakay dito salakay doon ang mga pulis sa mga squatters area at pinagdadampot ang mga “tulak”. Mayroon daw mga lumaban kaya binaril. Ang mga ayaw sumuko, sapilitang dinala ng mga pulis para imbestigahan. Pati mga tinedyer na vendor, dinampot dahil tulak daw ng droga. Ang tinedyer na si Kian delos Santos ng Caloocan City, binaril ng dalawang pulis at napatay. Lumaban daw. Mayroon ding mag-ama sa Pasay na pinagbabaril ng mga pulis dahil lumaban daw.

Daming napatay sa war on drugs ng Duterte admi­nistration. Sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), umabot na sa 6,165 ang mga napatay sa kampanya sa illegal na droga mula Hulyo 2016. Pero sa kabila na marami na ang napatay at naaresto, patuloy ang pagkalat ng droga. Sa halip na mabawasan, lalo pang dumami ang droga, parti­kular ang shabu.

Noong Miyerkules, sinabi ni President Duterte na nagkamali siya nang sabihing lulutasin ang droga sa loob ng anim na buwan. Sa kanyang talumpati kama­­kalawa ng gabi sa inagurasyon ng Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX) Project sa Cebu, sinabi ng Pangulo na naging tiwala siya nang ipangako na mare­resolba ang problema sa loob lamang ng kalaha­ting taon kung mahahalal sa puwesto. Nakita raw niya kung gaano kalaki ang problema nang malaman niya na anim na heneral ng Philippine National Police (PNP) ang diumano’y sangkot sa illegal na droga.

Nagkamali talaga ang presidente sapagkat pawang mga “maliliit” ang nahuli ng kapulisan. Walang malalaking tao na source ng droga. Ang mga tinukoy niyang nasa likod ng droga ay nasaan na. Aalis na siya sa puwesto pero walang malaking “isda” na nalambat. Nangako siya pero hindi natupad. Ngayon, aalis siya na problema pa rin ang droga.

ILLEGAL DRUGS

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with