^

PSN Opinyon

Bakit nga ba?

K KA LANG - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Magtataka ka talaga. Ayon kay President Duterte naniniwala siyang hindi pa nagbabayad ng buwis ang ABS-CBN na nauwi sa hindi pagbigay ng bagong prangkisa sa kanila. Pero ang hindi pa binabayarang buwis ng pamilya ni Bongbong Marcos Jr. na siyang heredero na nagkakahalaga ng P203.8 bilyon ay tila hindi binibigyan masyado ng pansin. Pinayagan pa nga ng Comelec tumakbo kahit may mga alituntunin hinggil sa hindi pagbayad ng buwis ng mga umaasang makuha ang ilang posisyon sa gobyerno.

Sabi ng BIR, hindi pa bayad. Sabi ng Korte Suprema, pinal na ang kanilang desisyon at dapat magbayad ang pamilya Marcos ng estate tax. Si Finance Sec. Dominguez pa mismo ang nagsabing hindi pa bayad ang mga Marcos. Bakit pala hindi habulin nang husto? Bakit nga ba?

Isipin na lang ang magagawa ng P203.8 bilyon para sa mga proyektong tunay na makakatulong sa mamamayan. Sa agrikultura, edukasyon, kalusugan at ekonomiya. Ilan lang iyan huwag mauwi sa bulsa ng mga tiwaling opisyal. Isipin na lang kung nabayaran ang halagang iyan noong kasagsagan ng pandemya. Nabigay sana kaagad ang mga dagdag na sahod ng frontliners. Nakabili na sana kaagad ng mga bakuna. Marami ang magagawa ng napakalaking halagang iyan.

Si Marcos ang nangunguna sa mga survey ngayon. Kung tumpak ang mga survey, kung ngayon magaganap ang halalan ay siya ang mananalo. Ang tanong, ano na ang mangyayari sa mga kasong buwis na iyan? Patatawarin na lang ba ang sarili? Bubuwagin na ba ang PCGG na itinaguyod ng administrasyon ni Corazon Aquino para nga habulin ang lahat na ilegal na yaman ng pamilya Marcos? At kung ayaw magbayad ng buwis ang presidente, ibig sabihin ba ay puwedeng hindi na rin magbayad ng buwis ang ordinaryong mamamayan?

Wala nang isang buwan ay election na. Pursigido na ang lahat ng kandidato para makumbinsi ang botante na sila ang dapat mahalal. Hindi nakapagtataka ang nagaganap na siraan ng mga kandidato partikular sa social media. Pero para sa mga botante, dapat masala ang katitohanan sa fake news, at dapat alamin din ang mga patakaran at alituntunin ng ating gobyerno.

Kung ipinasara ang ABS-CBN sa paniniwalang hindi bayad ang buwis, bakit hindi magawa ang anumang parusa sa hindi pagbayad ng higit dalawangdaang bilyong pisong buwis ng pamilya ng dating diktador at pinayagan pang tumakbo para sa pinakamataas na posisyon ng bansa? May pinapaboran ba dito?

ABS-CBN

PRESIDENT DUTERTE

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with