^

PSN Opinyon

EDITORYAL - LGUs na makupad sa  ayuda, ihayag sa publiko

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - LGUs na makupad sa  ayuda, ihayag sa publiko

Sa maniwala at hindi, hanggang ngayon, marami pa sa mga biktima ng Supertyphoon Odette na nanalasa sa mga probinsiya ng Dinagat Islands, Surigao del Norte, Southern Leyte, Bohol, Cebu,  at mga probinsiya sa Mimaropa ang hindi pa nakakatanggap ng ayuda. Nanalasa ang ­Bagyong Odette sa mga nasabing probinsiya noong Disyembre 24, 2021. Magpapasko nang salantain ang mga kawawang residente. Sa halip na nagsasaya sa pagsapit ng Pasko, labis na sindak ang namayani sa kanila dahil sa walang tigil na bayo ng hangin at rumaragasang baha.

Hindi malilimutan ang tanawin sa Bohol na grabeng naapektuhan ng bagyo. Bagsak ang komunikasyon. Nagkaroon ng kakulangan sa pagkain at tubig doon.

Sa Surigao City, Surigao del Norte, ay ganundin ang tanawin. Pagkain din ang naging problema. Mabagal anila ang ayuda. Sa tabi ng kalsada ay may taong umaapela ng tulong na padalhan sila ng pagkain kahit bigas at sardinas man lang.

Mahigit 400 katao ang namatay sa pananalasa ni Odette at tinatayang P525 milyon ang nasira sa agrikultura. Maraming bahay ang nasira kaya ang mga tao ay matagal na nanatili sa evacuation centers. Naghatid ng pangamba ang siksikan sa evacuation centers sapagkat maaaring dumami ang kaso ng COVID-19.

Ang mabigat na problema, hanggang ngayon, marami pa sa mga biktima ng Odette ang hindi pa nakatatanggap ng ayuda at isiniwalat mismo ito ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año. Ayon kay Año, 48 local government units (LGUs) ang mabagal sa paghahatid ng ayuda. Sinabi mismo ito ni Año sa “Talk to the People ni President Duterte” na ini-ere noong Martes. Pinadalhan na umano ng DILG ng show cause orders ang 48 LGUs.

Kawawa naman ang mga biktima ni Odette. Dahil sa kabagalan ng LGUs, hanggang ngayon ay hindi pa natitikman ang ayuda. Mas maganda kung ihahayag ng DILG ang 48 LGUs na mabagal sa paghahatid ng ayuda. Ilantad sila para malaman ng publiko ang kanilang kabagalan sa paghahatid ng tulong sa nasasakupan.

AYUDA

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with