^

PSN Opinyon

Aking kapuso  

IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

MARSO na pero huli man daw at magaling ay maihahabol pa rin. Ibig kong ihabol ang pagbati sa aking kabiyak sa loob ng 58 taon, si Josefina “Josie” Sampedro-Sison, na nagdiwang ng kaarawan noong Pebrero 26.

Nakilala ko si Josie sa isang party ng isang kaklase ko sa Ateneo Law School  pagkatapos ng Bar exams. Nagsasaya kami at katatapos lang ng mahirap na pagsusulit na inabot ng kung ilang buwan na preparasyon. Natawag ang aking pansin ng isang grupo ng mga kababaihan, partikular ang isang dalaga na kagalang-galang at kaakit-akit. Hindi ko siya puwedeng hindi pansinin. Kumbaga, parang isang litrato sa Facebook na hindi puwedeng hindi mo tanggapin ang “Friend Request”. Talagang gumawa ako ng paraan para siya makaharap at makausap. Buti na lang at isang magandang tugtugin ang pumailanlang kaya nagkaroon ako ng pagkakataon na makasayaw siya. Dahil sa unang sayaw namin kaya nakilala ko siya at nagkasunud-sunod ang aming date kaya’t hindi ko na itinuloy ang pakikipagkita sa ibang babae.

Mula noon, madalas na ang aking pagsundo sa kanya sa Far Eastern University (FEU) kung saan siya ay isang  guro (Dance Instructress) sa kilalang FEU Folk Dance Group. Madalas maglibot sa buong mundo ang grupo at sumali sa mga kompetisyon sa Europe lalo sa France at Spain kung saan sila pa ang nakakakuha ng premyo sa Caceres at Balearic Folk Dance Competition. Isa rin si Josie sa mga miyembro ng grupo at kasama sa tour na nagtatanghal ng Filipino Folk Dance kaya nakilala ang katagang “Portrait of a Filipino as an Artist”.

Kadalasan ay hinahatid ko lang siya sa bahay nila, sasakay kami ng jeep sa Central Market papuntang Quezon Boulevard. Pagdating sa bahay nila ay magkukuwentuhan lang kami sandali at uuwi na ako. Buti na lang at pumayag ang mga magulang ko na gamitin ang isang kotse kaya namasyal na kami sa iba’t ibang lugar tulad ng Rizal Part at Manila Baywalk. Minsan naman kakain kami ng tanghalian o hapunan sa tanyag na Aristocrat Restaurant sa Dewey Boulevard. Nagamit ko ang pagkakataon na ito para ligawan si Josie at makilala namin ang isa’t isa hanggang sa pumayag na siya na magpakasal kami matapos lang ang pitong buwan. Mayo 1964 nang kami ay nagkakilala at nagpakasal kami Disyembre 1964.

Hindi kami nagkamali sa aming “May-December romance” ika-nga. Mula magpakasal kami noong ika 26 ng Disyembre 1964 hanggang sa araw na ito, kumbinsido pa rin ako na tama ang aking desisyon. Paminsan-minsan ay nag-aaway kami pero nananatiling matatag ang aming pagsasama. Mayroon akong mabait, mapagmahal, tapat at kapuri-puring misis.

Bilang isang ina ay inalagaan niya ang aming anim (6) na anak – isang babae at limang lalaki. Lumaki silang may takot sa Diyos, malalakas, malulusog at matatalino. Siyempre ay ginawa ko rin ang trabaho ko bilang haligi ng tahanan pero hindi kami magtatagumpay na palakihin sila kung hindi dahil sa tulong ng aking asawa. Masasabi ko na ginawa niya ang lahat bilang isang ina at asawa.

Mula sa araw na kami ay magpakasal hanggang sa ngayon, naging malakas at matibay ang aming pagsasama sa tulong ng Panginoon. Sumali kami sa mga organisasyon tulad ng Christian Family Movement (CFM), Center for Family Ministries (CEFAM) at Marriage Encounter Movement (ME). Minsan pa nga ay kami pa ang ginagawang chairman sa Marriage Encounter Weekend.

Natutuwa ako na maalala ang mga nangyari sa buhay namin ni Josie. Ipinagpapasalamat ko sa Maykapal na ibinigay niya sa akin ang isang mabuting asawa at habang buhay na kasama. Hindi niya iniintindi kahit malaman ng tao na 82 anyos na siya. Mas bata siya kung tingnan at hindi aakalain ng iba na anim na ang kanyang naging anak.

Maligayang Kaarawan Josie! Sana ay patuloy tayong maging masaya, malusog at magkaroon nang mahabang buhay!

KAPUSO

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with