Basta ‘smart’ at ‘maatik’ mananalo ang kandidato
Hindi na uso ang pamimili ng boto ng mga dirty politicians kung eleksiyon. Bagama’t ginagawa pa rin ito, ang pinakamabisang paraan para manalo sa eleksyon ay bilhin ang sistema. Alam na ng lahat iyan. Hindi na manu-mano ang pagbibilang ng nga boto kundi computerized na.
Imbes na isa-isang isusulat ang ngalan ng mga iboboto natin, iitiman na lang ang mga oblong na nasa tabi ng pangalan ng kandidato. High tech at mabilis pero high tech din ang pandaraya. Ang sinumang kandidato na may sapat na pondo para bilhin ang sistema ay siyang malamang manalo.
Common knowledge na ang pandarayang ito pero ano na ang ginawa ng ating pamahalaan para tiyaking mapagkakatiwalaan ang resulta ng eleksyon? Napapanahong paksa ito dahil ilang buwan na lang at gaganapin na ang eleksyon sa Mayo 9.
Tapos, nagkaroon pa ng kontrobersiya sa Commission on Elections sa kaso ng disqualification laban kay Presidential aspirant Ferdinand Bongbong Marcos na alam na nating lahat kaya hindi ko na ididetalye. Matagal na ring pinagdududahan ang integridad ng Comelec kahit bago pa maging computerized ang election.
Ibig bang sabihin nito, ang lahat ng mga nakalipas na liderato ng bansa ay hindi lehitimo dahil bunga ng pandaraya? Hindi naman marahil bagama’t wala pa akong narinig na eleksyon na walang kandidato ang hindi nagreklamo ng pandaraya.
Ang punto ko lang ay, hindi dapat mabahiran ni katiting na batik ang Comelec dahil diyan nakasandal ang katatagan ng bansa. Kapag ang taumbayan ay laging may pagdududa sa integridad ng eleksyon, pati integridad ng pamahalaan ay apektado.
- Latest