^

PSN Opinyon

Kalituhan na naman

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Hindi na nakapagtataka na nagdulot ng kalituhan, sagutan noong unang araw ng pagpapatupad ng “no vax, no ride policy” sa mga pampublikong sasakyan. Mga kumpleto lang ng bakuna ang papayagang sumakay. Kaya siyempre ang mga hindi pa nababakunahan o kaya’y nakatanggap pa lang ng isang bakuna ang nagulat nang hindi sila pasakayin. Natural may mga nangatwiran na hindi nila alam ang patakarang iyan. May mga nagalit at pinag-iinitan daw ang mga hindi o ayaw magpabakuna.

Dagdag trabaho rin para sa drayber ng mga sasakyan. Kailangan nilang makita ang mga vaccination cards bago pasakayin ang mga tao. Sigurado ako at hindi na sinisiyasat nang mabuti ng drayber kung vaccination card nga ba ang ipinakikita o kung tunay ang mga ito. May mga ulat na naglalabasan na rin ang mga pekeng card.

Ngayon, nilinaw ng gobyerno na ang mga nagtatrabaho ay hindi na sakop ng “no vax, no ride policy”. Patunay muli ng paurong-sulong at pabagu-bagong pag-iisip ng gobyerno hinggil sa mga kilos kontra-COVID. Ang ­kailangan lang daw ay ipakita ang ID sa kompanya o kaya’y sertipikasyon na namamasukan nga sa kompanya. Ganundin, iisa-isahin ng drayber ang lahat ng nais sumakay kaya magdudulot ng pag-antala sa biyahe.

Sa ngayon, hindi aarestuhin ng PNP ang mga ‘di pa nabakunahang sumasakay ng pampublikong transportasyon, pero pagsasabihan sila. Sa totoo lang, mas maganda talagang magpabakuna na kaagad. Iba ang panahon ngayon. Wala pang indikasyon na mawawala o magtatapos na ang pandemya kaya mabuti na rin at may proteksiyon. Ang sabi nga ng mga eksperto, sa mga hindi pa nababakunahan magmumula ang bagong variant, kung sakali. Hangga’t hindi nababakunahan ang ­malaking porsiyento ng mundo, o kaya’t makalikha ng bagong bakuna na papatay sa coronavirus, baka tuluy-tuloy lang itong lalaganap.

Sa kasalukuyan, 10 porsiyento lang ng populasyon sa Africa ang kumpleto ang bakuna. Sana ibigay na muna ng mga mayayamang bansa sa Africa ang mga bakuna nang mabigyang proteksiyon ang mga mamamayan doon. Para sa kabutihan na rin ng lahat.                                              

COVID-19

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with