_ngayon
^

PSN Opinyon

Sapat na muna ang Alert Level 3

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Sinabi ng Malacañang na sapat na muna sa ngayon ang Alert Level 3 para sa National Capital Region (NCR) kaya walang batayan ang kumakalat na balita na ilalagay na sa Alert level 4. Kapag umabot na sa 70 percent ang kapasidad ng kabuuang naka-admit sa lahat ng mga ospital sa Metro Manila, baka ilagay na sa Alert Level 4. Ito ang sinabi ni Presidential Spokesman Karlo Nograles. Kaya binabantayang maigi ang sitwasyon sa lahat ng ospital. Marami na nga ang naka-admit. Ang binibigyang prayoridad ay mga seryosong kaso, mga matatanda at mga may co-morbidities.

Noong Miyerkules, nakapagtala ng 32,246 COVID cases. Pero hindi na ako magtataka kung mas mataas pa riyan dahil takot ang iba na malamang positibo sila. Iyan ang mahirap. Baka positibo pero lumalabas pa rin dahil wala namang nararamdamang sintomas. Baka sila ang mga nagkakalat ng COVID kung saan-saan.

Kapansin-pansin ang magaan na trapik ngayon sa Metro Manila. Maraming tindahan at establisimento ang sarado. Mga banko nagbawas ng oras ng operasyon. Sa tingin ko maraming opisina ang minabuting bumalik sa work-from-home. Dito makikita na mahirap balansehin­ ang ekonomiya at kaligtasan sa sakit. Payagan mang mag­bukas ang mga negosyo para mabuhay ang ekonomiya, wala namang tao dahil takot lumabas at magkasakit. Naglabasan nga ang mga tao noong Pasko, pero ngayon naman nakikita ang epekto ng mga naging pabaya, o mga naghawahan na lang talaga ng COVID.

Pataas pa nang pataas ang bilang ng COVID cases pero karamihan naman daw ng mga kaso ay “mild” o kaya’y “asymptomatic”. Pero hindi ito dahilan para maging kampante. Tama ang WHO. Hindi puwedeng sabihin na “mild” lang ang Omicron variant. Hindi pa nakasisiguro na ganito lang ang Omicron. Ang katiyakan ay mas mabilis makahawa ang Omicron kaya ganito ang pagkalat ngayon. At kahit asymptomatic pa ito, may kasamamg perwisyo pa rin dahil hindi ka naman papayagang lumabas o magtrabaho kung positibo ka, hindi ba? Mabuti pa rin ang mag-ingat.

NCR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with