_ngayon
^

PSN Opinyon

EDITORYAL- Hindi marinig, karaingan ng healthcare workers

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL-  Hindi marinig, karaingan ng healthcare workers

Kawawang healthcare workers na hindi dinirinig ng mga kinauukulan ang kanilang mga hinaing. Patuloy na binalewala ang kanilang pagsusumamo na ipagkaloob na sa kanila ang ipinangakong benepisyo at allowances. Nananatiling bulag at bingi ang Department of Health (DOH) sa kalagayan ng healthcare workers na matagal nang bugbog sa trabaho mula nang manalasa ang COVID noong nakaraang taon. Lumutang na ang Delta variant at ngayon nagbabanta ang mas mabangis na Omicron, hindi pa rin kaya maririnig ang pagmamakaawa ng healthcare workers.

Maraming nag-akala na naibigay na ang hinihingi ng may 60,000 healthcare workers pero mali ang akalang ito. Marami pa ang hindi nakakatanggap at iyon ang kanilang ipinanawagan.

Sabi ni Cristy Donguines, presidente ng Jose Reyes Memorial Medical Center Employees Union-AHW, 30 percent lang ng kanilang meal, accommodation at transportation allowances simula Set­yembre hanggang Disyembre 2020 ang nakukuha. Nasa DOH pa umano ang 70 percent nito. Ayon pa kay Donguines, may nakalaang P3.5 bilyon para sa health­care workers at ito ay nakasaad sa Bayanihan 2 Law.

Noong nakaraang Agosto, ipinag-utos ni President Duterte sa DPH at Department of Budget and Management (DBM) na ibigay ang special risk allo­wances (SRA) at iba pang benepisyo ng healthcare workers sa loob ng 10 araw. Pero hanggang ngayon, marami pa ang hindi nakatatanggap.

Ayon sa grupo ng hospital workers na may 63,772 miyembro mula sa 12 pribadong ospital sa Metro Manila at Laguna, bukod sa SRA, meal at transpo allowances, bawat healthcare workers ay makatatanggap din nang mahigit P30,000 kung anim na buwan na nagtrabaho nang walang palya.

Sabi naman ng DOH, ang mga ospital ang dapat sisihin sa pagkaantala ng SRA. Hindi umano nagko-comply sa requirements ang mga pribadong ospital.

Kung magpapatuloy ang ganitong kalagayan ng health workers na hindi ipinagkakaloob ang benepisyo, tuluyan nang magsisipagbitiw ang mga ito at mag-aaplay sa ibang bansa dahil mas malaki ang sahod doon at kinikilala ang kanilang paglilingkod. Mula Hulyo ng taong ito, marami na ang nagbitiw na nurses at nangibang bansa na.

Kapag nagpatuloy ang pag-alis ng health workers, mapaparalisa ang mga ospital sa bansa at walang ibang kawawa kundi mamamayan na sinasalanta ng pandemya. Dinggin ang hinaing ng health workers na ipagkaloob ang kanilang SRA at iba pang benepisyo.

DOH
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with