_ngayon
^

PSN Opinyon

Balanse patungong normalidad

K KA LANG - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Ngayong nasa Alert Level 3 ang Metro Manila, tila bumabalik na sa normal ang buhay. Maraming opisina ang pinapasukan na ng kani-kanilang empleyado. Mga negosyong unti-unting bumabangon. Mga tao lumalabas na naman. Mga kainan pinupuntahan na. Kapansin-pansin ang pag­dagsa ng mga tao sa mga lugar tulad ng Tagaytay pati na rin sa mga malls. Kahit babala pa rin COVID, mukhang nagsawa na ang tao sa pananatili sa bahay.

Pero sa pagluwag ng mga alituntunin, sumabay naman ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng gasolina. Ilang linggo na walang tigil ang pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina. Lumagpas na nga sa animnapung piso kada litro ang gasolina sa mga kilalang gasolinahan. Mas mura ng bahagya sa mga maliliit na kompanya. Wala ring planong magdagdag ng produksyon ang mga kompanyang krudo. Pati sila gustong bumawi. Kaya sa nais ng tao mamasyal, nagmahal naman ang gasolina. At tulad ng inaasahan, kasabay ng pagtaas ng presyo ng gasolina­ ang pagtaas na rin ng halos lahat ng bagay.

Kaya naman humihingi ng pagtaas ng presyo ng pa­sahe ang grupo ng pampublikong transportasyon. Pina­yagan na nga silang pumasada pero sinalubong naman ng mahal na diesel. Pero sa ngayon ay hindi pa inapru­bahan ang kanilang hiling. Hindi pa raw tama ang pana­hon, ayon kay DOTr Sec. Tugade dahil ngayon din lang nagsisi­mula magkaroon ng sahod ang maraming­ emple­yadong namamasahe. Pinag-aaralan ng DOTr ang ibang paraan para matulungan ang mga drayber at operator ng mga pampublikong sasakyan.

Sang-ayon ako na kailangan may balanse na muna ang lahat ngayong unit-unting bumabangon matapos ang higit isang taong paghihirap dulot ng COVID. Hindi pa nga tayo ligtas sa peligro nito. Kapag hindi nag-ingat ang tao at tumaas na naman ang bilang ng mga positibong kaso, babalik na naman tayo sa pinanggalingan natin. Sitwasyon na siguradong ayaw ng marami. Nais bumawi ang lahat. Mga drayber, empleyado, tindahan, kumpanya. Maganda kung tuloy-tuloy na nga ang pagbangon. Nasa atin pa rin iyan kaya patuloy ang pag-iingat patungo sa normalidad.

COVID-19 EMPLEYADO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with