_ngayon
^

PSN Opinyon

Tatahimik naman ngayon

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

HINDI na raw makikipagtulungan si Linconn Ong, ang di­rektor ng Pharmally Pharmaceutical Corp., sa imbesti­gas­yon­ ng Senate Blue Ribbon Committee sa payo ng kanyang abogado. At sino ang nagpayo sa kanya? Walang iba kundi ang kontrobersyal at papansing si Ferdinand To­pacio­. Ayon kay Topacio, hindi raw patas ang imbestigasyon ng Senado at tinawag na “kangaroo court”. Kulang na lang sabihin na hindi maaayos na tao ang mga senador.

Iyan ang mga pahayag mula sa abogadong iniidolo si Adolf Hitler. Sa sobrang bilib kay Hitler, may malaking kuwadro ng sira-ulong Aleman sa kanyang tanggapan. Hindi raw masamang tao si Hitler at napakagaling na pinuno. Naging modernong bansa raw ang Germany sa ilalim ng pamumuno ni Hitler. Muntik daw maging pinaka makapangyarihang bansa ang Germany dahil kay Hitler. Siyempre. Isa-isang nilusob ang mga katabing bansa dahil nahuhumaling sa kapangyarihan. Nilusob dahil nais kontrolin ang buong Europa. Tila hindi nagbabasa ng kasaysayan, o itinatanggi lahat ng ginawa ni Hitler noong World War II si Topacio.

Malinaw ang kasamaan ni Hitler. Inutos niya na ubusin ang lahat ng kalaban sa pulitika noong mga unang taon ng kanyang diktadura. Ito ang tinawag na “Night of the Long Knives”. Ang opisyal na bilang ng mga pinatay ay nasa 85, pero marami ang nagsasabi na maaaring umabot sa 1,000 ang pinatay. Marami rin ang inaresto na kontra sa kanyang pamamahala. Nakuha ni Hitler ang suporta ng militar matapos ang krimeng ito.

Ayon kay Topacio, hindi si Hitler ang nasa likod ng pagpatay sa anim na milyong Hudyo noong digmaan. Kailangan lang niya magbasa ng kasaysayan na hindi ito totoo. Sa umpisa pa lang ng kanyang pag-angat sa kapangyarihan, mainit na ang kanyang mata sa mga Hudyo. Madaling hanapin ang buong kuwento ng dinanas­ ng mga Hudyo sa ilalim ni Hitler. May mga umabot nga sa Pilipinas na tinanggap naman ng bansa. Bilang pasasalamat ng Israel sa ginawa ng Pilipinas, walang kailangang visa ang lahat ng Pilipinong nais pumunta sa Israel hanggang ngayon.

 Napapailing na lang talaga ako sa mga pahayag ng abogadong ito. Malinaw na nais baguhin ang kasaysayan na tila uso ngayon tulad ng ginagawa ng mga Marcos. Tinawag pa niyang diktador ang dating pangulong Noynoy Aquino. Hindi naging maganda ang reaksiyon ng mga senador sa mga pahayag ni Topacio. Dapat lang.

Kung makikinig si Ong kay Topacio at tatahimik, mananatili siyang arestado. Marami na rin ang naging pahayag ni Ong sa ilalim ng panunumpa, kaya opisyal na ang kanyang mga pahayag. Magagamit na ang mga ito sa pagbuo ng kaso laban sa kanila, at kung sino pa ang mauungkat na sangkot.

SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with