_ngayon
^

PSN Opinyon

Paano maging patok sa TikTok?

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Paano maging patok sa TikTok?
Kailangang consistent ang iyong materyal, at ituring mo ang iyong Tiktok account tulad ng isang legitimate brand, payo ni TikTok Awards Top Talent awardee Zendee.

Marami ang nabago sa ating pang-araw-araw na buhay dahil na nga rin sa pandemya. Malaking bahagi dito ang mas napadalas pa nating paggamit ng ating mobile phones. Sa pagpirmi natin sa bahay simula nung tumama ang COVID-19, sa internet na “nanirahan” ang marami. Dito tayo nakikipag-usap sa ‘ting mga mahal sa buhay, nangangalap ng balita, at naghahanap ng mga bagay na makapagbibigay sa ‘tin ng aliw.

Ayon pa sa report ng grupong We Are Social na pinamagatang “Digital 2021: The latest insights into the state of digital,” tumaas ang average internet usage noong 2020 sa buong mundo ng pitong oras kada araw o mahigit sa dalawang buong araw kada linggo. Ayon pa sa report na nilabas lamang ng ahensya noong Enero, tumaas din ang bilang ng mga social media users ng 13% o 4.2 bilyon. Kung tutuusin, mga 1.3 milyong bagong social media accounts ang nabuo sa isang araw—o 15 1/2 kada segundo!

Hindi nga nagpatalo ang Pilipinas pagdating sa usapang paggamit ng social media. Sa parehas na datos, halos 11 oras kada araw daw ginagamit ng mga Pilipino ang internet. Apat na oras at 15 minuto raw dito, nilalaan natin sa social media.

Social media capital of the world nga talaga ang Pinas!

Hindi naman ito siguro maikakaila ng mga Pinoy, lalo na’t maraming umusbong na mga social media apps noong mga unang bahagi ng lockdown. Isa na rito ang TikTok, isang Chinese video-sharing company na itinayo noong 2016 sa Tsina at inilunsad naman sa iba pang mga lugar sa Asya at pati na rin sa Estados Unidos sa sumunod na taon. Sa sobrang kasikatan, nakapagtala ito noong Oktubre ng dalawang bilyong downloads.

Pumatok sa Pilipinas ang TikTok dahil nga sa mga nakaaaliw na content dito. Mula dance and song covers hanggang reaction videos, sari-sari ang pwedeng mapanood sa app. Kamakailan ay pinapasok na rin nito ang news, educational content, at “infotainment” (o mga materyal na naglalayong maka-inform sa pamamaraang nakalilibang). Kung akala nyo’y boring ang mga post na ito, aba, nagiging viral din sila!

Sinegundahan pa nga ito ng Reuters Institute sa kanilang ulat na pinamagatang “Digital News Report 2021.”

“Going digital makes sense in a country that spends the greatest amount of time online in the world, particularly on social media. Social media as a source of news have risen to 72% in our survey, with TikTok even becoming a destination for news among Filipinos (6%) alongside Facebook (73%), YouTube (53%), Facebook Messenger (36%), and Twitter (19%),” ulat ni Yvonne T. Chua, na isa ring associate professor at the University of the Philippines’ Department of Journalism.

Dahil sa tagumpay ng TikTok, naisipan na nga rin nilang pagkaperahan ito. Noong Hunyo 30 lamang, nakisosyo ito sa e-commerce app na Shopify para sa kanilang marketing solutions platform na tinatawag na TikTok for Business. Paraan na rin ito ng app na puwedeng tulungan ang mga maliliit at katamtamang negosyo na napilitang umasa sa digital sa gitna ng krisis.

Sa ngayon, nakaipon na ng 689 milyong monthly active users ang TikTok. Kaya naman marami-rami na ring nawili sa pagiging content creator. Sa Pilipinas, hindi lang mga artista, mang-aawit, o mananayaw ang kasali sa content generation sa app. Nakatutuwang isipin na may mga nakiuso na ring mga pari, pulis, lola, abugado, flight attendants, at iba pa!

Nakausap ko ang ilan sa mga bigating Pinoy content creators sa Tiktok, at take note, ha? Hindi lahat sila ay mga artista sa TV. Pero ang kanilang followers, talaga namang libu-libo kung hindi man milyun-milyon!  

So, paano nga ba maging epektibong TikTok content creator? Basahin ang ilan sa mga tried and tested tips na nakalap ko sa mga “expert” sa aming nakaraang “Pamilya Talk”  episode!

 CAPTION:  Kailangang consistent ang iyong materyal, at ituring mo ang iyong Tiktok account tulad ng isang legitimate brand, payo ni TikTok Awards Top Talent awardee Zendee.

1. Maging tapat sa iyong brand

Tratuhin daw na parang brand ang yung TikTok account. Dapat may sarili itong itsura, pananalita, at kumbaga personalidad na kakaiba sa iba pang handles. Consistency at coherence, ika nga ni TikTok Awards Top Talent awardee Zendee (@zendee).

“Be consistent with your chosen content. Kailangan mong maging unique. Try mo muna kung saan ka malakas ‘tapos yun yung ipatuloy mo. Para alam ng viewers and followers mo kung ano ang aabangan nila sa iyo,” payo ni Zendee.

Ginawa lang ni Zendee ang kanyang TikTok account noong nakaraang taon, sa gitna ng quarantine. Una syang sumikat sa kanyang video ng “Gala,” isang parody tungkol sa pandemya na sinulat mismo ni Zendee. Maaaring pamilyar ang ilan sa inyo rito—halaw ang tono nito sa sikat na awitin ni Sarah Geronimo na “Tala!”

May 10.5 million followers na si Zendee ngayon. Karaniwan sa mga pino-post daw nya ay mga nakakatawang reaction videos kung san sya nakilala bukod sa “Gala.”

2. Dalasan ang pag-post

Bukod sa klase ng content, isipin mo rin daw ang dalas ng pag-post mo. Ikatutuwa raw ito ng iyong followers, nang sa gayon ay patuloy ka pa rin nilang sundan.

Nagsimula raw si Zendee sa anim na video bawat araw. Kinalaunan, sa kanyang pagkaabala sa iba pang trabaho, isa na lang daw ang nakakaya nyang i-post kada araw.

“Don’t miss any day.  Maging committed ka. Wag mong kalimutan ang viewers mo, alagaan mo. Kung anong gusto nilang abangan sayo, yun ang gawin mo. Ganoon talaga, kailangan maging pleasers at first,”  sabi ni Zendee na isa ring singer.

Maging masipag at pasensyoso raw sa pag-post. Dahil may nakahandang filters at features na sa app, wala ka naman na raw masyadong iisipin sa itsura ng content mo. Gamitin na lang daw ang iyong pagkamalikhain.

3. Mag-enjoy lang, walang pressure!

Minsan, hindi mo rin kailangang ‘kareerin’ o pagplanuhan ang ilalabas mong content. Patunay dito si Joel Soloria (@jewel.08), na sumikat sa video ng kanyang pagsayaw sa harapan ng kanyang 82 taong gulang na lola na si Lola Stela. Akalain nyo’ng nakalikom na ng 7.5 million views ang mismong video? Dahil nga rito, lagi nang ‘extra’ ang napaka-cute na si Lola Stela sa TikTok ng kanyang apo. Kaya naman ngayon, may 50.2k followers na si Joel!

Nakatutuwa nga ang kwento ni Joel, “Hindi kagaya ng ibang lola na medyo istrikto, si Lola, go with the flow….  makulit magugulatin.  Siya po ang nag-alaga sa akin mula pagkabata ko. Siya na po ang nagpalaki at nagpaaral sa akin hanggang high school kaya love na love ko yan!”

Joel Soloria’s account: https://www.tiktok.com/@jewel.08?lang=en

 Joel Soloria’s Account here: https://www.tiktok.com/@jewel.08?lang=en

4. Magpakatotoo!

Kung ano pa man ang gusto mong ilabas, dapat daw ay totoong-totoo sa iyo. Kaya nga buzzword ang katagang “Authenticity is magnetic” sa content creators.

“Just do what you love! It’s not about the fame, it’s about providing happiness and content to your viewers,” sabi ni Then Chua (@iamthenchua), na sinusundan ng kanyang 14k followers para sa kanyang lifestyle at travel content. “Ang sarap ng pakiramdam na makapagbigay ka ng kasiyahan sa ibang tao.”

5. Deadma sa bashers!

Dahil nga sa naitatago ng internet ang iyong pagkakilanlan, nagkakaroon ang iba ng lakas ng loob na mangutya at mam-bully ng kapwa. Sabi nina Joel at Then, marami raw nito sa TikTok.

Kaya naman, sabi ni Joel, “Ang ginagawa ko ay deadma lang. Sila naman ang nagpapakulay ng mundo natin lalo na sa social media. Mas lalo akong na-i-inspire (gumawa ng content) hanggang sa magustuhan nila ako!”

Dagdag naman ni Then, “Wala naman tayong dapat patunayan sa ibang tao. As long as happy ka sa ginagawa mo, go lang nang go! No one can stop you sa mga pangarap mo at gusto mong gawin sa buhay. Your bashers are your viewers. Kaya ka nila bina-bash ay pinapanood ka nila. Sila ang number one fan mo!”

6. Makipag-network

Subukan mo na ring palaguin ang iyong network of friends gamit ang TikTok. Malay mo, may mahahanap ka pang kaibigan o kaya naman ka-ibigan sa app! 

“Nakatulong syang mawala ang anxieties ko,” kwento ni Then sa kung paano ang naging epekto ng TikTok sa kanya. “Nagkaroon ako ng friends na di ko naman in-expect na magiging kaibigan ko bago ang pandemic. Meron ding tao na dito ko lang nakilala at naging friends ko na sa totoong buhay! Sobrang sarap ng pakiramdam! Yung social media ang naging outlet at nagbigay sa akin ng hope na meron pang magandang bukas.”

Payo ni Then Chua, “Subukan mo na ring palaguin ang iyong network gamit ang TikTok. Malay mo, may mahahanap ka pang kaibigan o kaya naman ka-ibigan sa app.”

7. Maging ekstra ingat

Ayon sa ulat ng US-based na National Center for Missing and Exploited Children, tumaas daw nang 264.6% ang mga kaso ng pang-aabuso sa mga kabataang Pilipino online mula Marso hanggang Mayo ng 2020. Sa datos na ito na ginagamit ngayon ng ating Department of Justice, nagkaroon daw ng 202,605 na mga bagong kaso kumpara sa 76,561 ng parehong mga buwan noong 2019.

Kaya naman bilang magulang at miyembro ng media na may mga anak ring gumagamit ng TikTok at iba pang apps, ako naman ang magpapayo.  Maging mapanuri tayo sa cybercrime at online child abuse na talamak sa mga panahong gaya ngayon kung saan marami sa ating bagets ay online. Maging kritikal tayo sa mga pino-post natin at ng mga mahal natin sa buhay. Pwede kasi itong gamitin ng mga masasamang loob na may layuning mang-agrabyado. HIgit sa lahat, patuloy nating ipaalala sa ating mga sarili at sa isa’t-isa na hindi dapat tayo dapat “naninirahan” sa social media.

Bagama’t hinigpitan lalo ng TikTok ang kanilang community guidelines, mas mainam na maalam at aktibo din tayong nangangampanya para sa mga isyu ng cyber safety and security.

---

Please watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 5:30-7:00pm Monday, Tuesday & Wednesday). Please share your stories or suggest topics at jingcastaneda21@gmail.com. You can also follow and send your comments via my social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTwitter, and Kumu.

TIKTOK
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with