_ngayon
^

PSN Opinyon

Golden Girl

REPORT CARD - Atty. Ernest Maceda - Pilipino Star Ngayon

Sina Eumir Marcial at Kiyomi Watanabe ang flagbearers natin sa parada ng atleta sa Opening Ceremony ng Tokyo 2020 Olympics, subalit walang may duda sa kung sino ang tunay na lider ng Philippine delegation. Sa grupo nila, walang iba kung hindi si Ate Hidilyn Diaz.

Sa 19 nating manlalaro, siya lang ang dating Olympian, Silver Medal sa Rio de Janeiro 2016 Olympics. Buong init siyang tinanggap ng mga Pilipino at ipinagmalaki ang kan­yang nagawa. Dahil sa kanyang pagiging masiyahin at mapagkumbaba, itinuring din siyang champion sa labas ng sport arena.

Subalit hindi maihahalintulad ang karanasang iyon sa nagawa niyang pagkapanalo ng kauna-unahang Gold Medal ng Pilipinas sa Olympic games. Ninety seven years na tayong nangangampanya sa international sporting event na ito. Naka-tatlong silver at 7 bronze medals na rin tayo subalit naging mailap ang gold. Sa isang bansang mahigit 100 million ang populasyon, medyo matamlay ang rekord natin sa palakasan. Siyempre, hindi naman sa kaku­langan ng pambato isisisi. Malaki ang kinalaman dito ng paghahanda o kakulangan ng paghahanda na dapat ang pamahalaan ang timon.

Maraming implikasyon sa kinabukasan ng sports ang tagumpay ni Hidilyn. Pihadong lalo nating pagbubutihan ang suporta sa ating mga atleta. Marami ring kontri­bus­yong mapupulot sa kanyang pinagdaanan bago makuha ang gold.

Hindi basta-basta ang tinalo ni Hidilyn. Ang reigning world champion at world record holder na si Liao Qiuyun ng China ang kanyang napuruhan. Hanggang sa huli, tinatayang makakabuhat si Liao ng timbang na kailangan­ para manalo. Alam nito ang kanyang kakayanan. Kaso, ang hindi niya inasahan ay kakayanin ni Hidilyn ang mas mabigat pang timbang para maungusan siya. Minaliit niya ang kapasidad ng huli dahil bago itong Olympics ay kailanman hindi kinaya ni Hidilyn ang 127 kilograms. At nang dangal na ang nakataya sa kanyang huling attempt, matagumpay na binuhat ni Hidilyn ang 127 kgs., kasama na rin ang pag-asa at ekspektasyon ng kanyang bansa, patungo sa makasaysayang Gold Medal.

Congratulations Hidilyn, congratulations Pilipinas!

EUMIR MARCIAL
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with