_ngayon
^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Baha: Problemang hindi matapus-tapos

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Baha: Problemang hindi matapus-tapos

ISA sa pinakamatagal na problema sa bansa, lalo na sa Metro Manila, ang baha. Mayroong kinatandaan na ang problemang ito. Isinilang sila na buma­baha na sa Metro Manila at ngayong tumatanda na sila, problema pa rin ang baha at lumalala pa. Sa tagal ng panahon, walang makitang permanenteng solus­yon ang pamahalaan.

Nakita naman ng Metro Manila Development Authority­ (MMDA) kung ano ang dahilan ng pagbaha sa Metro Manila. Sabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos, basura ang dahilan kaya nagbabaha sa kalak­hang Maynila.

Sabagay noon pa man, marami nang nakaaalam na basura talaga ang dahilan nang pagbaha at aywan kung bakit ngayon lang ito nalaman ng MMDA. O nagbubulag-bulagan sila. Sabi ni Abalos, nahihirapan daw ang pumping stations dahil sa rami nang nakabarang basura. Wala naman daw problema ang 66 pumping stations. Talaga raw basura ang problema.

Taun-taon sa ganitong panahon, karaniwang tana­win na ang pagbaha sa Metro Manila. Hindi na nabago ang senaryo na umaapaw ang mga ilog at estero sapag­kat hindi na makaagos dahil sa basura. Karani­wang plastic sando bags, sachet ng shampoo, 3-in-1 coffee, cup ng instant noodles, plastic shopping bags at iba pa. Hindi na gumagalaw ang tubig dahil sa rami ng ba­sura. Kadalasang informal settlers na nasa pampang ng estero ang nagtatapon ng mga basurang plastic.

Gumastos ang pamahalaan ng bilyong piso para sa flood control program pero nabalewala rin ang mga ito sapagkat hindi kayang lulunin ang baha na may kasamang basura. Ang mga ginawang malalim na drainage ay hindi rin umubra sapagkat nababarahan din ng sandamukal na basura.

Sabi ng MMDA, dapat maghigpit sa mamamayan sa pagtatapon ng kanilang basura. Kailangan daw magkaroon ng disiplina ang lahat. Tama ang MMDA. Disiplina­ ang nararapat. Pero sa nangyayari ngayon na marami ang pasaway at tapon lang nang tapon ng ka­ni­lang basura, dapat magkaroon ng ‘‘kamay na bakal’’ para madisiplina. Kailangan ang tulong ng Department of Interior and Local Government (DILG) para atasan ang mga barangay chairman na manguna sa pagdisiplina sa mga residente na nagtatapon ng basura sa mga estero at ilog.

Kung magagawa ito, baka sakaling masolusyunan ang problema sa baha na hindi matapus-tapos.

MMDA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with