_ngayon
^

PSN Opinyon

Mapanganib na Delta variant

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

SA pag-aaral na inilathala sa New England Journal of Me­dicine, ipinahayag na ang tig-dalawang dose ng mga bakunang Pfizer at AstraZeneca ay epektibo laban sa Delta variant ng COVID-19.

Ang bakunang Moderna ay epektibo rin laban sa Delta variant. Ang tatlong bakunang nabanggit ay sumasailalim ngayon sa mga pagsusuri upang matukoy kung kinaka­ila­ngan ng pangatlo o booster shot para sa karagdagang proteksiyon. Sa ngayon sinasabi ng gobyerno na hindi pa kailangan.

Ikinalulungkot naman ng mga dalubhasa ang kakula­ngan ng datos mula sa bakunang Sinovac upang maka­paglabas ng tapat na pahayag. Maraming bansa sa ASEAN ang gumagamit ngayon ng tinatawag na “mix and match” ng mga bakuna kung saan magkaibang tatak ang una at pangalawang dose. Para raw mas mapabilis ang pagbigay ng proteksiyon.

Karamihan sa mga bansa sa ASEAN ay nagpasimula ng pagbabakuna gamit ang Sinovac na ibinigay ng gob­yerno ng China. Ang mga bakuna ng Pfizer at Moderna ay ngayong pa lang dumarating sa bansa sa pamamagitan ng mga donasyon at pagbili ng mga pribadong kompanya. Maaaring sumunod na rin ang gobyerno sa ginagawang “mix and match” ngayong may ibang bakuna na.

May mga positibo na para sa Delta variant sa bansa kaya higit na mahalaga ang mabakunahan sa lalong madaling panahon. Ginagawa ng gobyerno ang lahat upang mapi­gilan ang pagkalat lalo na sa babala ni Pangulong Duterte na maaaring ipatupad ang mahigpit na lockdown kung magsimulang kumalat ang mga kaso. Bumabagsak na nga ang stock market sa babalang ito.

Kaya nasaan na tayo ngayon? Batay sa datos mula sa ourworldindata.org/covid-vaccination, 9.92% ng populasyon ang nakatanggap ng isang dose ng bakuna noong Hulyo 23. Nasa 16.43 milyong doses ng bakuna na ang naibigay. Malapit nang matapos ang Hulyo at gayon pa man medyo mabagal pa ang pagbabakuna.

Ang layunin ng pagkamit ng herd immunity sa Nobyembre ay mukhang hindi matutupad. Binago na nga ang layunin na kung 40 porsyento ang mababakunahan sa Nobyembre, tagumpay pa rin ito batay sa sukatan ng World Health Orga­nization (WHO).

Higit isang buwan na lang at maririnig muli natin ang walang kamatayang awit ni Jose Marie Chan. Magkakaroon ba tayo ng mas masayang Pasko sa taong ito? Hindi pa masabi.

Ang Delta variant ay tila balakid sa plano ng lahat. Ang mga bansa na nagpasyang luwagan ang paghihigpit ay nakakaranas ng pagtaas ng mga impeksyon, karamihan sa mga ito ay dahil sa Delta variant at karamihan ay mga hindi bakunado. Ginagawa ng mga pamahalaan ang lahat para kumbinsihin ang mga tao na magpabakuna.

Ngunit kahit nagkakaroon ng pagsipa ng bilang ng mga kaso may mga mas naniniwala pa rin sa napakamaling impormasyon na ikinakalat ng mga nagpapahayag ng maling opinyon pati na rin sa pamumulitika ng isyu ng bakuna.

Sana ay hindi nila bayaran ng kanilang buhay ang mga maling paniniwala at dapat panagutan din ang mga nagka­kalat ng maling impormasyon.

COVID-19 DELTA VARIANT
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with