_ngayon
^

PSN Opinyon

Delikadong palabasin ang mga bata ngayon

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas - Pilipino Star Ngayon

Sabi ng OCTA Researh Group, maaaring umabot daw sa 10,000 katao ang tatamaan ng bagong Delta Variant araw-araw kung patuloy na luluwagan ang paglabas ng mga bata.

Kamakalawa, nakapagtala ng 12 kaso ng Delta variant sa bansa at ang hinala ng mga eksperto, mayroon nang local transmission ang virus kaya pinag-iingat ang lahat. Mas mabilis daw kasi itong makahawa.

Ayon sa mga eksperto, ilang segundo lamang umano ay maaari nang magkasakit kapag na-exposed sa taong infected ng Delta variant. At kapag dumami na naman ang hawahan, mag-uumapaw na naman ang mga ospital at crematorium.

Kaya ang payo ng mga eksperto, magpabakuna na ang lahat nang magkaroon ng panangga sa nakamamatay na virus. Ang problema may ilan pa ring Pinoy ang nagda­dalawang isip na magpabakuna

Sa kasalukuyan, todo na ang paghihigpit ng Inter-Agency­ Task Force at Department of Health sa mga airport at pantalan upang mapigilan ang mga overseas Filipino workers, balikbayan at mga turista na makapasok.

Maging si PNP chief Gen. Eleazar ay nag-utos sa lahat ng mga kapulisan sa PNP-Maritine Group na bantayan ang mga backdoor ng bansa upang masigurong hindi basta-basta makapapasok ang mga nagmumula sa ibang bansa gamit ang mga sasakyang pandagat.

Ang lahat kasi na papasok sa bansa ay dapat dumaan­ muna sa pagsusuri at isailalim sila sa quarantine­ upang ma­sigurong wala silang dalang virus mula sa pinang­gali­ngang bansa.

Noong nakaraang linggo, niluwagan na ang mga kaba­taan na makalabas sa kanilang mga tahanan upang maibsan ang pagkabagot ng mga ito matapos maburo ng mahigit isang taon sa kani-kanilang mga tahanan.

May mga lugar lamang na puwedeng puntahan ang mga bata kasama ang kanilang mga magulang. Gaya ng parke, palaruan, lugar pangturismo at mga hiking trail. Bawal pang pumasok sa malls ang mga bata.

Pero nang mapabalita ang pagdami ng kaso ng Delta variant, pinag-aaralan kung sususpendihin ang paglabas ng mga bata para makaiwas sa virus. Ibawal na muli ang paglabas ng mga bata.

Kayong mga responsableng magulang, dapat bang largahan ang inyong mga anak sa panahon ngayon na may banta ng Delta variant? Isipin na lamang ninyo na sa bawat pakikisalamuha ng inyong anak sa matataong lugar, hindi ninyo masisigurong ligtas sila sa nakakamatay na virus.

Kaya mag-isip muna ng ilang beses bago pakawalan ang mga anak. Payo ko rin na magpabakuna na para ganap na may proteksiyon sa COVID-19.

COVID-19 VARIANT
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with