50,000 sari-sari stores sasaklolohan
Maliit mang negosyong maituturing, ang mga sari-sari stores ay importante sa ekonomiya. Sa harap ng pandemya, ito ang dapat ayudahan para tuluy-tuloy ang serbisyo sa mga maliliit na komunidad. Hindi na kailangang bumiyahe nang malayo ang mga ibig mag-grocery.
Malaking tulong ang konseptong isinusulong ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano. Pinalawak niya ang programang pagtulong sa mga napilayan ang kabuhayan dahil sa pandemyang COVID-19. Bukod sa halos 6,000 na benepisyaryo na nakatanggap ng Sampung Libong Pag-asa o 10K Ayuda, inilunsad na rin ang pagtulong sa mga sari-sari stores sa buong bansa.
Nang manalasa sa buong mundo ang pandemya, maraming maliliit na tindahan ang nagsara. Nawalan kasi ng puhunan. ‘Yung iba, pilit pa ring nagnegosyo pero halos wala nang maitinda dahil doon na rin mismo kinukuha ng pamilya ang kanilang pagkain at gastusin sa araw-araw.
Napakagandang ideya nitong ayuda sa sari-sari store community upang mabigyan ng P3,500 ang mapipiling sari-sari store. Ang P2,500 ay para pandagdag-puhunan o pambili ng mga karagdagang paninda para muling makaahon ang mga naluging tindahan.
Ang nalalabing P1,000 naman ay puwede ng gamitin sa kahit na anumang gastusin ng sari-sari store owner. Bukod sa P3,500, may ibibigay ding training para sa mga sari-sari store owner upang masiguro na hindi malulugi ang kanilang negosyo.
Target ng programa na mabigyan ng pondo ang 50,000 o mas marami pang sari-sari stores sa buong bansa. Tuluy-tuloy pa rin ang pamimigay ng Sampung Libong Pag-asa o 10K Ayuda ng grupong Balik sa Tamang Serbisyo. Magkakaroon pa nga ito ng edisyon para sa mga kapatid nating Muslim matapos ang ginawang edisyon para sa OFW’s kamakailan.
- Latest