_ngayon
^

PSN Opinyon

Mahusay na health care at teknolohiya, pinakamabisang tugon sa pandemya

#PROUDMAKATIZEN - Abby Binay - Pilipino Star Ngayon

MATAPOS ang halos dalawang taon, patuloy pa ring nakikibaka ang buong mundo sa pandemya. Maging ang mga mauunlad na bansang nagsisimula nang bumangon ay napipilitang muling patigilin ang mga negosyo at i-lock down ang mga komunidad dahil sa pagbugso ng bilang ng COVID cases.

 Kapag nangyari ito sa ating bansa, lalo pang lulubha ang paghihirap ng mga mamamayan. Kumpara sa mga lungsod sa Metro Manila, mas malala pa ang magiging epekto ng hard lockdown sa mga nasa probinsya, lalo na sa mga 4th at 5th class municipalities na dati nang salat sa pondo bago magka-pandemya.

Sa ganitong pagkakataon, higit lalong dapat magkaisa ang mga namumuno sa pamahalaan dahil nakasalalay ang buhay at kinabukasan ng taumbayan. Hindi dapat bigyang puwang ang pamumulitika, sa halip ay isulong ang pagtitiwala at pagkakaunawaan sa pagitan ng mga sangay ng gobyerno, para sa kapakanan ng mas nakararami.

Kailangang bigyang pansin ang mga lokalidad na nangangailangan ng tulong ng pambansang pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng virus, kasabay ng pagtugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan. 

Masasabi kong mapalad ang mga taga-Makati dahil   sa patuloy na pagtitiwala ng pribadong sektor. Pinatunayan ito ng pagtaas ng pitong porsiyento ng revenue collection ng lungsod nitong Mayo, na umabot sa P12.09 bilyon. Dahil sa matatag na kalagayang pinan­siyal, naipagpapatuloy namin ang paghahatid ng magandang serbisyo sa Makatizens.

Sa pagharap sa krisis, napagtanto naming local lea-ders na hindi sapat na palakasin ang kapabilidad laban sa mga nakasanayang kalamidad tulad ng bagyo at lindol. Kailangan ding paglaanan ng pondo ang modernisasyon ng health care facilities at pagkuha ng mahuhusay na administrators, health care professionals, at support personnel na makapagbibigay ng mataas na kalidad ng serbisyo.

Napakahalagang mag-invest sa makabagong teknolohiya at capacity-building ng mga frontliner sa iba’t ibang larangan ng serbisyo publiko, para sa mabilis at epektibong pagtugon sa isang public health emergency, at iba pang uri ng kalamidad. 

Hindi dapat maging hadlang ang kakulangan sa pondo para mabago ang pananaw ng mga namumuno at bigyang prayoridad ang research and technology tungo sa mas mahusay na pamamahala. Bukod sa tulong ng national government, maaaring maisakatuparan ang big-ticket projects sa pamamagitan ng public-private partnerships (PPP), kung saan hindi gagamitin ang pondo ng lokalidad.

Noong Abril, pormal kong nilagdaan ang isang PPP agreement ng lungsod at ng isang hospital developer para sa pagtatayo at pamamahala ng bagong ospital sa District 1, na layong madagdagan ang kapasidad ng lungsod na tugunan ang medical needs ng Makatizens.

Bukod sa taglay na makabagong pasilidad tulad ng cancer center, heart station, at physical rehabilitation center na gumagamit ng robotics, bahagi ng medical teams ng ospital ang mga espesyalistang makakapagbigay ng dekalidad na serbisyo sa #ProudMakatizens.

Ang aming karanasan sa Makati ay nagpatibay sa aking paniniwalang ang mahusay na health care at makabuluhang paggamit ng teknolohiya ang pinakamabisang tugon sa mga hamon ng pandemya sa ngayon, pati na ng mga darating na kalamidad. Umaasa akong mas marami pang lungsod at bayan ang magkakamit ng mga benepisyong dulot ng teknolohiya.

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with