_ngayon
^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Magingparehas

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Magingparehas

Maraming local government units (LGUs) ang humihiling na madagdagan ang ibinibigay sa kanilang vaccine para mabakunahan ang mga residente. Kulang umano ang bakuna kaya maraming pumipila ang hindi nakaaabot sa quota na mabakunahan. Maraming residente ang pumipila ng mada­ling araw para lamang makasama sa babakunahan. Pero ang masaklap, marami sa kanila ang hindi ma­bakunahan dahil kulang na ang vaccine. Noong nakaraang linggo ilang LGUs sa Metro Manila ang tinigil muna ang pagbabakuna para sa first dose dahil kapos na. Pawang pang-second dose na lamang ang natira. Humingi naman ng paumanhin si vaccine czar Carlito Galvez sa pagkaantala ng pagdating ng bakuna.

Habang marami ang naghahangad nang maba­kunahan, taliwas sa sinasabi na marami ang uma­ayaw, inamin naman ni San Juan Rep. Ronaldo Zamora na apat na beses na siyang nabakunahan. Una raw siyang binakunahan ng Sinopharm noong Disyembre ng nakaraang taon. Pero dahil siya raw ay immunodeficient, pinayuhan siya ng kanyang doktor na magpabakuna uli ng dalawang shot ng Pfizer. Kaya apat na beses na siyang nabakunahan.

Ikinagulat naman ng Department of Health (DOH) ang pag-amin ng kongresista na apat na beses na itong nabakunahan. Dapat daw maintindihan ng sinuman, mapubliko o opisyal man ng pamahalaan na ang ekstrang dose na itinurok sa kanila ay dose na kinuha sa mga hindi pa nababakunahan. Sinabi ni Dr. Beverly Ho, Director ng Health Promotion Bureau ng DOH na dapat daw maging parehas sa mga hindi pa nababakunahan. Marami pa umano ang hindi nababakunahan.

Sabi naman ni vaccine expert Dr. Rontgene Solante, hindi pa raw dapat magmadali ang mama­mayan para sa booster shots dahil hindi pa ito nire­rekomenda.

Wala naman marahil ibig ipahiwatig si Rep. Zamora­ sa paglalahad na naka-apat na shot na siya ng bakuna. Nasabi lang siguro niya. Pero mabuti na rin ang nasabi ng DOH na dapat maging parehas siya dahil marami pang Pilipino ang wala ni isa pang shot ng bakuna. Hanggang ngayon marami pa ang naghahangad na kahit isa man lang shot ay maturukan.

LGU
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with