_ngayon
^

PSN Opinyon

Proud Makatizens, register na sa Satellite Bakuna registration

#PROUDMAKATIZEN - Abby Binay - Pilipino Star Ngayon

Habang papalapit ang pagdating ng 1-milyong doses ng bakunang nabili natin noong Enero, lalong pinaiigting ng inyong pamahalaang lungsod ang paghihikayat sa Proud Makatizens na magpabakuna laban sa COVID-19.

Nitong nakaraang linggo, sinimulan na natin ang Satellite Bakuna Registration sa mga lugar kung saan puwede nang magpunta at magparehistro ang lahat, pati na ang indigent residents na kabilang sa kategoryang A5 na inumpisahan nang bakunahan batay sa kautusan ng Department of Health (DOH). Bukod pa ito sa online registration (www.covid19vaccine.safemakati.com) at sa mga Dyip ni Maki na nag-iikot sa mga barangay para irehistro ang mga gustong magpabakuna.

Ang satellite registration ay bukas mula 9am hanggang 4pm sa mga itinakdang sites. Narito ang schedule sa linggong ito: July 5 at 6 (Nicanor Garcia Elementary School, Olympia; Rizal Covered Court); July 7 at 8 (Poblacion Covered Court; Rizal Covered Court); July 9 (Nicanor Garcia Elementary School, Olympia; Cembo Elementary School). Paalala lamang na mag-face mask at face shield at panatilihin ang distansya sa isa’t isa batay sa minimum safety protocols ng DOH. Gawin nating ligtas ang hakbang na ito para sa mga mamamayan at mga kawani ng lungsod.

Isang malaking inspirasyon naman ang ating mga senior Makatizen na hindi nag-aatubiling magpabakuna.

Sa ngayon, nasa 38,089 senior citizens na ang nabakunahan, at 21,666 sa kanila ang nabigyan na ng second dose. Kahanga-hanga ang kanilang pagsuporta sa adhikain ng pamahalaan na masugpo ang pandemya at mapangalagaan ang kaligtasan ng bawat mamamayan. Sa kabila ng kanilang edad at mga karamdaman, hindi sila nagpadala sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon laban sa bakuna.

Kaya naman minabuti nating bigyan sila ng munting regalo bilang pasasalamat sa pagpapakita ng mabuting halimbawa sa mga kapwa senior citizens at sa iba pang Makatizens.

Handog natin sa mga Bakunadong Senior Makatizen (2 doses) ang gift check na nagkakahalaga ng P1,000. Nagsimula na ang bigayan ng gift check nitong nakaraang linggo, at tinitiyak nating lahat ng Bakunadong Senior Makatizens ay makakatanggap nito. Antabayanan lamang ang pag-anunsyo ng mga lugar kung saan nila ito makukuha sa ating My Makati Facebook page.

Samantala, mayroon din tayong birthday surprise sa mga Makatizen na mababakunahan sa kanilang mismong kaarawan, anuman ang kategoryang kinabibilangan nila. Bahagi pa rin ito ng pagsisikap ng lungsod na makumbinsi ang lahat ng sektor na magpabakuna bilang pakikiisa sa ating mithiing maging COVID-free na ang Makati pati na ang buong bansa.

Makaaasa ang ating Proud Makatizens na hindi tumitigil ang pamahalaang lungsod sa paghahanap ng mga paraan para maging mas madali, mabilis, ligtas at epektibo ang programang Bakuna Makati. Kaya huwag nang mag-atubili. Mag-register na, at maging Bakunadong Makatizen!

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with