_ngayon
^
EDITORYAL - Bakuna muna bago mag-face-to-face classes

EDITORYAL - Bakuna muna bago mag-face-to-face classes

(Pilipino Star Ngayon) - June 24, 2021 - 12:00am

Balak ng Department of Education (DepEd) na mag-face-to-face classes na sa pagbubukas ng school year 2021-2022 sa Agosto o Setyembre. Sabi ni DepEd Sec. Leonor Briones, dalawang petsa ang kanilang ipipresenta kay President Duterte at bahala itong magpasya. Tanging ang Presidente umano ang may huling salita para sa pagbabalik ng face-to-face classes.

Sumagot agad si President Duterte at sinopla ang balak na face-to-face classes. Sabi ng Presidente, wala munang face-to-face. Hindi raw niya isusugal ang kalusugan ng mga bata. Mahirap daw kung ibabalik na ang face-to-face. Kailangan daw munang ma­abot ang herd immunity bago bumalik sa dating sistema. Kailangan daw ay nabakunahan na ang lahat.

Malinaw ang sinabing ito ng Presidente na wala munang face-to-face at hindi na dapat pang magpumilit ang DepEd. Ipagpatuloy na lang muna nila ang distant learning at gabayan nang husto ang mga bata. Sikapin din ng DepEd na maitama ang mga nilalaman ng modules na ipinamamahagi sapagkat sunud-sunod na ang kapalpakan. Maraming mga bastos na salita ang nakakalusot sa module gaya nang nangyari sa Pampanga. Kung hindi pa nag­reklamo sa educator na si Antonio Calipjo-Go ang mga magulang hindi mapapansin ang mga bastos at malalaswang salita.

Huwag magmadali ang DepEd sa face-to-face classes sapagkat hindi pa lubusang bumababa ang kaso ng COVID-19. Sa kasalukuyan, may bago na namang variant – Delta variant na mas madali uma­nong makahawa. Kung magmamadali ang DepEd sa face-to-face para na rin nilang inihulog sa hukay ang mga guro at estudyante.

Ipursigi ng DepEd na mabakunahan ang mga guro para matiyak ang kaligtasan ng mga ito. Kapag nabakunahan na ang mga guro, tiyak nang nakahanda na sila sa muling pagbabalik ng face-to-face.

Hindi dapat mainggit ang DepEd kung nagbukas na ang mga unibersidad para sa mga kursong Medi­cine, Nursing, Medical Technology, Dental Medicine at iba pang related na kurso. Hindi ito dapat gawing basehan kaya sila nag-aapurang ibalik na rin ang face-to-face sa public school.

Tama si President Duterte na delikado pa para ibalik ang face-to-face classes. Mabuti pa ang Presidente at nalalaman ang kahihinatnan ng mga estud­yante kapag nalantad sa virus. Bakuna muna bago face-to-face. Di ba dapat DepEd ang unang makaisip na hindi dapat isubo ang mga estudyante sa pagkakasakit?

DEPED
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with