_ngayon
^

Paano aalagaan ang mga mata; Bakit nasisilaw sa liwanag?

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong (Pilipino Star Ngayon) - June 24, 2021 - 12:00am

Narito ang mga tips kung paano aalagaan ang mga mata.

1. Kapag edad 40, lumalabo na ang paningin. Ang tawag dito ay presbyopia, kung saan humihina ang pag-focus ng ating mata sa malalapit na bagay. Normal lang ito. Kumunsulta sa optometrist para magpasukat ng salamin.

2. Eye bags. Para mabawasan ang eye bags, subukang maghilamos ng malamig na tubig sa umaga. Puwede rin gumamit ng basang cotton balls na nilubog sa yelo o pipinong pinalamig. Ipatong ito sa mata ng 15 minuto at mababawasan ang pamamaga ng mata. Ang isa pang home remedy ay ang paggamit ng teabag na ipinapatong sa mata. Ang teabag ay may tannin na lumilinis at nagpapa-firm ng balat.

3. Nanunuyong mata sa edad 60 pataas. Pangkaraniwang sakit ito ng may edad dahil nababawasan ang paggawa ng luha. Ang solusyon dito ay ang madalas na pagpatak ng arti­ficial tears na mabibili sa botika. Kung gustong makatipid, puwedeng magtimpla ng sariling “luha”. Maghalo ng katiting na asin at isang onsang distilled water. Ihalo maigi at gamitin itong pang-patak sa mata. Bumili na lang ng dropper.

4. Katarata. Kapag malabo ang salamin ng kotse ay mahihirapan kang magmaneho. Ganito rin ang nangyayari sa katarata kung saan lumalabo ang lente ng mata. Ang sanhi ng katarata ay ang matinding araw, pag-edad, diabetes at paninigarilyo. Hanggang ngayon ay walang pangpatak para malunasan ang katarata. Ang solusyon sa katarata ay isang simpleng operasyon na ginagawa ng mga eye specialists. Magpa-check sa doktor sa mata.

5. Glaucoma. Sa glaucoma, nababarahan ang pagdaloy ng likido sa loob ng ating mata. Dahil dito, tumataas ang presyon sa loob ng mata. Puwede ito magdulot ng pananakit ng ulo at pagkabulag. Ginagamot ang glaucoma sa pamamagitan ng eye drops o laser surgery. Seryosong sakit ang glaucoma at kailangang magpatingin agad sa eye specialist.

Ang mga mata natin ay konektado sa buong katawan. Dahil dito, kailangang umiwas sa bisyo at kumain ng masus­tansya. Gamutin ang altapresyon at diabetes.

* * *

Bakit nasisilaw sa sobrang liwanag?

Kapag tumitig kayo sa liwanag, tulad ng pagtitig sa araw, puwede itong makasira at makasunog ng ating mata. Mahapdi ito sa mata at puwede kayong mabulag.

Sa isang banda, kailangan natin ng sapat na liwanag para makakita ng mga bagay-bagay. Ngunit kung sobra naman sa liwanag ay may masamang epekto ito.

Una, sasakit ang mata at sasakit ang ulo.

Pangalawa, kapag tumitig tayo sa matinding liwanag, puwedeng masunog ang cornea, na nasa harap ng mata. Sa katagalan ay pati ang retina na nasa likod ng mata ay puwedeng ma-apektuhan din.

Para maalagaan ang mga mata sundin ang mga tips:

1. Huwag tumitig sa araw at sa matinding liwanag.

2. Kung lalabas sa may araw, magsuot ng sunglass o sombrero para mabawasan ang liwanag. Piliin ang sunglasses na may proteksyon sa Ultraviolet light.

3. Kahit ang matinding liwanag mula sa telebisyon, computer, cell phone at IPad ay posibleng magdulot ng pananakit sa mata. Bawasan ang liwanag mula sa mga gamit na ito.

4. Sa bawat 20 minuto ng pagbabasa, ipahinga ang mata ng 1 minuto. Tumingin sa malayo para ma-relax ang mata.

5. Kumain ng makukulay na prutas at gulay tulad ng carrots.

DOC WILLIE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with