_ngayon
^
EDITORYAL â Nasaan ang body cameras?

EDITORYAL – Nasaan ang body cameras?

(Pilipino Star Ngayon) - June 23, 2021 - 12:00am

Sabi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar gagamitin na ng mga pulis ang body cameras. Inilunsad niya ito noong nakaraang Hunyo 4 sa Camp Crame. Ayon sa PNP chief, gagamitin ang body camera sa anti-drug ope­rations, pagsisilbi ng warrant, pag-rescue sa hostage at sa checkpoints.

Pero nasaan na ang body cameras ng 10 pulis na magsisilbi ng warrant of arrest sa isang drug suspect sa Bgy. Canlalay, Biñan, Laguna noong Hunyo 16? Nalimutan bang isuot? Walang body cameras ang mga pulis kaya walang ebidensiya kung lumaban nga ba ang suspect at menor-de-edad na kasama nito. Ayon sa mga pulis, isisilbi na nila ang warrant laban sa drug suspect na si Antonio Dalit nang lumaban ito at si Jhondy Maglinte, 16, at napatay ang mga ito.

Ayon sa mga kaanak ng teenager na si Maglinte, sadya itong pinatay ng mga pulis para hindi na makatestigo sa nangyari. Nakadapa umano si Mag­linte sa putikan nang matagpuan at may mga tama ng bala sa likod.

Nanindigan naman ang mga pulis na lumaban ang dalawa. Hinihintay pa ang autopsy report sa pagkamatay ni Maglinte.

Kung ginamit ng mga pulis ang body cameras sa pagsisilbi ng warrant, wala na silang ipaliliwanag sapagkat makikita kung lumaban nga ang suspect na si Dalit at ang kasamang teenager. Lahat nang nang­yari ay nakarekord. Hindi makapagsisinungaling ang mga operatiba sakali’t may mga kabalbalang naganap. Ito rin ang panghahawakan ng awtoridad na hindi sila lumabag sa police operations. Pero dahil walang body cameras, nasa balag ng alanganin ang 10 pulis at nahaharap sila sa imbestigasyon.

Ganito rin ang nangyari sa pagkamatay kamaka­ilan lang ng tinedyer na si Edwin Arnigo ng Valenzuela City. Apat na pulis ang sangkot sa pag-raid sa isang tupada kung saan naabutan umano si Arnigo. Nang-agaw daw ng baril ni Arnigo at sa pag-aagawan, nabaril ito.

Maaalala rin ang pagpatay ng mga pulis sa 17-anyos na si Kian delos Santos noong 2017 sa Caloocan City. Nagkaroon ng drug operations sa lugar at isa si Kian sa nadamay. Ang pagpatay kay Kian ang naging­ daan para ipanukala ang pagsusuot ng body cameras ng mga pulis.

Gamitin na ang body cameras para malantad ang tunay na nangyari. Kung may body cams, mai­iwasan na ang mga karumal-dumal na pagpatay na ang laging palusot ng mga pulis ay lumaban ang kanilang inaaresto.

PNP
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with